Chuewulim, Yildirim patatagasin ang Gazz

Semis Game 1 ngayon:
(FilOil Flying V Centre, San Juan)
3:00pm — Creamline vs Pacific Town Army
5:00pm — PetroGazz vs BanKo

‘Di paaawat ang top seed PetroGazz sa best-of-three semifinals laban sa winalis sa eliminations na BanKo sa tumitinding mga aksyon sa 3rd Premier Volleyball League 2019 Reinforced Conference ngayong Miyerkoles sa FilOil Flying V Centre, San Juan.

Alas-singko nang hapon, magtatapat ang tumapos ng 9-1 win-loss record sa double round elims na Angels habang No. 4 ang Perlas Spi­kers na may 4-6 tungo sa Game 1 ng kanilang race-to-two Final 4 playoffs.

Patok ang PetroGazz ‘di lang dahil sa nasa back-to-back win, hu­ling diniskarga ang Motolite nitong Sabado, 25-19, 25-15, 25-15, kundi nilublob din ang karibal nitong Mayo 29 at Hunyo 12, 25-19, 25-21, 25-12 at 25-23, 25-11, 22-25, 25-20.

Karamihan sa instrumento sa ragasa ng Angels ay sa sanib-puwersa nina imports Janisa Johnson ng Estados Unidos at Wilma Salas ng Cuba.

“It was bound to happen. I mean, we had a moment of perfection but it’s part of the game. We had a loss, but we didn’t let that get the best of us, so we kept pushing. And we will keep going and going until hopefully the end,” punto ni team captain Johnson.

Batid rin coach Arnold Laniog ang katatagan at hangaring manalo ng kanyang mga manlalaro upang makapamintana sa finals.

“Mindset lang talaga. Pinakaimportante is kung gaano namin kagusto kunin so naka-focus kami on how we play the game. Madali lang talaga manalo basta mag-perform nang maayos,” giit ni Laniog.

Galing pa sa pagkatalo ang Banko laban sa Pacific Town Army 18-25, 14-25, 20-25 nito lang ding Sabado kahit kumayod sina reinforcements Yasemin Sahin Yildirim ng Turkey at Sutadta Chuewulim ng Thailand. (Janiel Abby Toralba)