Kinaldag ng Cignal ang Mega Builders at pumalo papunta sa pangalawang championship title sa PVL Open Conference men’s division 25-23, 25-17, 22-25, 25-22 sa FilOil Flying V centre sa San Juan kahapon.
Pinangunahan nina Ysay Marasigan at Finals MVP Saku Capate ang HD Spikers sa trinabahong 17 at 16 markers.
Hawak ang 1st at 2nd set ay umarangkada ang Cignal sa laro, pero naagaw ng Mega Builders ang bandera sa sumunod na set.
Nagtabla sa 21-all nang humabol ang Mega Builders para kunin ang 3rd set sa tatlong puntos na lamang at akmang paaabutin ang laro sa decider.
Bumangon ang Cignal na pinangunahan nina Marasigan at Capate para mabawi ang lead 23-20.
Natigil ang rally ng Volley Bolt sa magkasunod na service errors ni James Natividad.
Inilapit nina Marasigan at Torres ang HD Spikers sa match point, humataw si Ismail Fauzi pero di umubra sa matinding block ni Marasigan at naselyuhan ang panalo ng Cignal.
“They believed in the system at pinairal nila yung maturity. It’s the mental toughness that won this for them,” hayag ni HD Spikers coach Oliver Almadro.