Swak sa semifinals ang Cignal matapos patalsikin ang Foton 26-28, 25-19, 25-19, 25-18 kagabi sa knockout quarterfinals ng Philippine Superliga All-Filipino Conference sa FilOil Flying V Centre, San Juan.
Natisod sa unang set pero bumangon agad ang HD Spikers upang harurutin ang tatlong natitirang frames at sikwatin ang pangatlong ticket sa Final Four.
Nagkutsabaan sa opensa sina Rachel Anne Daquis, Mylene Paat at Royse Tubino upang akbayan ang Cignal sa panalo sa event na suportado ng Isuzu, Mikasa, Senoh, Asics, Mueller, UCPB Gen at Bizooku kasama ang Genius Sports bilang technical partners.
Naglagak si Daquis ng 24 points kasama ang 18 excellent receptions, bumakas si Paat ng 22 hits at 12 digs habang 13 puntos ang kinana ni Tubino para sa HD Spikers na haharapin sa semis ang defending champion Petron sa Martes.
Nagtala si Mina Aganon ng 16 markers, 17 digs at 10 excellent receptions habang nag-ambag sina CJ Rosario at Shaya Adorador ng tig-12 at 11 markers ayon sa pagkakasunod para sa Tornadoes.
Samantala, nasilo ng University of the Philippines ang unang finals berth matapos dominahin ang De La Salle University-Dasmariñas, 25-21, 25-12, 25-22 sa Collegiate Grand Slam.
Nirehistro ni Caryl Sandoval ang 11 pts. habang kumana si Jessma Ramos at rookie Nicole Magsarile ng tig-walong puntos para sa Lady Maroons na may 4-1 win-loss card.
“It’s a good feeling to be in the finals, being in the finals makes a team and a coach feel and learn how to win and in the finals it’s do or die, lose or win,” saad ni UP head coach Godfrey Okumu.