CIGNAL SOLO SA SECOND SPOT

Mga laro bukas:(Batangas City)
5:00 p.m. – F2 Logistics vs Sta. Lucia
7:00 p.m. – Foton vs Petron

Nasolo ng Cignal ang second spot sa Pool C matapos nilang itaob sa apat na sets ang Petron, 11-25, 25-23, 29-27, 26-24 kahapon sa second round ng Philippine Super Liga All-Filipino Conference sa The Arena, San Juan.

Matapos sumadsad sa unang set, kinadena ng HD Spikers ang tatlong frames upang ilista ang 4-1 card habang laglag sa tersero ang Blaze Spikers kapit ang 3-2 record.

Gitgittan ang labanan sa third set matapos magkatalo sa 29-27 ang iskor.

Tabla sa 16-All, binalak ng Cignal na tapusin ang laban sa set 3 matapos ang 24-23 bentahe pero naitabla ng Petron ang iskor sa 24.

Pahirapan din ang labanan sa fourth set kung saan ay nagtagisan ng galing ang pambato ng Petron na si Cherry Rondina at Cignal star Jovelyn Gonzaga.

Sa unang laro, mula sa two-set deficits ay umahon ang Foton upang ilista ang 19-25, 20-25, 25-18, 25-15, 15-7 come-from-behind win laban sa Generika-Ayala.

Natisod sa sets 1 at two, nagtulong sina Jaja Santiago at EJ Laure sa opensa upang gapangin ang tatlong natitirang frames at manatiling malinis ang karta ng Tornadoes sa limang laro.

“Hindi kami masyado makagawa ng play sa first two sets kaya nahirapan kami,” saad ni 19-year-old Laure na nagtala ng 20 points.

Nirehistro ni Santiago ang 25 puntos kasama ang 19 kills, limang service aces at dalawang blocks.

Humataw agad ng dalawang sunod na puntos si Laure sa fifth set, tig-isang spike at service ace ang kinana nito habang isang blanka ni 6-foot-5 Santiago para sa 3-0 advantage ng Foton na hinawakan ni Serbian coach Moro Branislav.

Desididong kunin nina Santiago at Laure ang panalo kaya hindi na nila binigyan ng pagkakataong makaporma ang kalaban.

Tangan ang 5-3 abante, kumana ng 6-0 run ang Tornadoes upang palobohin sa walo ang kanilang lamang, 11-3.