Cignal syut sa semis sa pabibo ni Paat

Ipinaramdam ni Mylene Paat ang kanyang lakas upang akbayan ang Cignal HD Spikers sa 25-22, 25-19, 25-20 panalo kontra PLDT Home Fibr Power Hitters sa Philippine Superliga Invitational Conference kahapon sa Malolos Sports and Convention Center sa Malolos, Bulacan.

Nagtala si national team stalwart Paat ng 18 points mula sa 14 kills, tatlong blocks at isang service ace kasama ang walong digs para ilista ang 5-0 karta ng HD Spikers at maging unang team na sumampa sa semifinals.

Tumikada rin sina Rachel Anne Daquis at Janine Navarro ng tig 13 markers para sa Cignal na inilabas ang lakas sa simula pa lang ng laban.
“We can’t afford to relax, knowing that we are still unbeaten,” hayag ni Paat.

“We need to learn how to avoid being complacent in the last stretch of this conference. We also have to be consistent every time.”

Nagpakitang gilas din si Cignal Filipino-American playmaker Alohi Robins-Hardy matapos irehistro ang 19 excellent sets para sa kanyang limang puntos habang tumipa si libero Jheck Dionela ng 13 digs at anim na excellent receptions.

Tutuon ang Cignal sa elimination round sweep pagharap nila sa tigasing Petron Blaze Spikers bukas sa Caloocan Sports Complex.

Kumana si Far Eastern University standout Jerili Malabanan ng 15 points habang bumanat si Shola Alvarez ng 12 markers, 10 digs at siyam na receptions para sa Power Hitters na naglaro na wala ang kanilang head coach na si Roger Gorayeb.

May 1-3 karta ang PLDT. (Elech Dawa)