Hinimok ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu ang mga local executives sa buong bansa na magpa­kita ng “environmental leadership” para suportahan ang ipinakikitang “political will” ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mabigyan ng solusyon ang problema sa kapaligiran sa ating bansa.

Nakasama ni Cimatu ang 74 governors at 1,538 city at municipal mayors sa ginanap na “The Assembly of Governors and Mayors” na idinaos sa Maynila noong Hulyo 23. Sa naturang okasyon ay nagbigay din ng paalala si Duterte sa mga namumuno sa local government units (LGUs) na palakasin ang kampanya laban sa iligal na droga, korapsyon at mga komunistang grupo.

Pinaalalahanan din ng environment chief ang mga gobernador at alkalde na magpakita ng political will sa pamamagitan ng pangunguna sa mga proyekto at huwag nang hintayin pa ang national government para umaksiyon.

Ipinaliwanag pa ni Cimatu na ang desisyon ng pangulo na ipasara at i-rehabilitate ang Isla ng Boracay ng anim na buwan ay isang babala sa mga LGUs na mayroong “tourist destinations” na ipinagpapalit and sustainable development dahil sa kanilang kabiguan na ipatupad ang mga environmental laws.

Ang pagpapasara ng Boracay ay nagresulta sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa mga lokal na opisyal dahil sa kapabayaan nila sa kanilang tungkulin, pagdidiin ni Cimatu.

Siniguro naman nito sa mga gobernador at mga alkalde na buo ang magiging suporta ng DENR sa kanilang mga proyekto na may kinalaman sa pagsasaayos at pagbabantay sa kalikasan.

Nanawagan din si Cimatu sa mga local executive na makipagtulungan sa bawat isa tungkol sa usapin ng kalikasan dahil wala itong kinikilalang “boundary” tulad ng isinasagawang rehabilitasyon sa Manila Bay.

Aniya, hindi kinakailangang magdalawang-isip ang mga LGUs na ipatupad ang environmental laws dahil suportado sila ng buong DENR mula sa central office, provincial at community level lalo na kapag ginagawa lamang ng mga ito ang kanilang tungkulin. (Riz Dominguez)