Cimatu sa PNP: Pumatay sa DENR employee tugisin

Nanawagan si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu sa Philippine National Police (PNP) na gawin lahat para mabigyan ng hustisya ang pamilya ng isa nilang empleyado na tinambangan sa Surigao del Sur noong Huwebes.

Kinilala ang napatay na si Joash Peregrino, special investigator ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Bislig City, Surigao del Sur.

Binaril ang biktima sa kanyang sasakyan na naka-park sa harap ng isang tindahan malapit sa tanggapan ng DENR. Si Peregrino at ang kanyang asawa, na isang empleyado rin ng DENR, ay huminto sa tindahan sa kanilang pag-uwi.

Si Peregrino ay ikaapat na kawani ng DENR na pinatay sa loob lamang ng dalawang buwan.

“Counting the number of people killed in the line of duty under my watch as DENR chief is disturbing if not outright enraging,” ani Cimatu.
Sa kabila nito, sinabi ni Cimatu na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa mga lumalabag sa environmental law at sa pagtupad ng mandato na protektahan ang kapaligiran at likas na yaman ng bansa. (Riz Dominguez)