Cine Filipino, may napatunayan!

JOEY REYES

UNTI-UNTI raw pumi-pick up ang ilang pelikulang kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino.

Hindi pa ­namin nakakausap ang FDCP Chairperson Liza Diño, kaya wala pa kaming nakuhang detalye mula sa kanya kung nakamagkano ang 12 pelikula na nagsimulang mag-showing kamakalawa.

Ayon sa mga nakuha naming impormasyon mula sa ilang sources, malakas na raw ang pelikulang 100 Tula Para Kay Stella nina Bela Padilla at JC Santos.

Okay raw ang iba kagaya ng Patay Na Si Hesus ni Jaclyn Jose, at Triptiko nina Kylie Padilla, Kean Cipriano, Albie Casiño & Joseph Marco.

Nanganganay pa rito ang FDCP dahil ­unang taon pa lang, pero inaasahang maging annual event na ito para mas marami pang Pinoy Films na mapapanood.

Jaclyn Jose
Jaclyn Jose

Pagkatapos ng PPP ay ang inaabangan nang Metro Manila Film Festival.

Sa susunod na taon sa Marso ay walong pelikula naman ang mapapanood sa Cine Filipino na nasa pangatlong taon na.

Kahapon ay in-announce na ng Festival Director Madonna Tarrayo at ng Head of Competition na si Direk Joey Reyes ang walong pelikulang kalahok sa Cine Filipino.

Ito ‘yung Delia and Sammy ni Therese Ca­yaba, Mata Tapang ni Rod Marmol, The Eternity Between Se­conds ni Alec Figuracion, Excuse Me Po ni Ron Batallones, Poon ni Roni Benaid, Hitboy ni Bor Ocampo, Kahit Man Lamang Maaari ni Donalyn Baltazar, at Mga Mister ni Rosario ni Ronal Allan Habon.

Proud sina Madonna­ Tarrayo at direk Joey Reyes sa mga na-achieve ng Cine Filipino.

Dito nanggaling ang direktor ng Kita Kita na si Sigrid Andrea Bernardo na kung saan ang nauna niyang obra na Huling Cha Cha ni Anita ay produkto ng first Cine Filipino.

Inaasahan nilang may panibagong Direk Sigrid silang makukuha sa pangatlong Cine Filipino.