Citibank sablay sa pagbabayad ng SSS

Pumapalya sa pagbayad ng SSS premium ang dambuhalang kompanyang Amerikano na Citibank.

Ayon sa isang empleyado nito, natuklasan niya lamang na hindi nire-remit ng Citibank ang lahat ng kinakaltas sa kanya ng kompanya nang umalis siya at nag-apply para ituloy ang pagbabayad niya sa SSS.

Tinanong ng Tonite ang Citibank tungkol dito at hiningi ni Citi Philippines corporate communications head Lisa Coory ang pangalan ng empleyadong hindi buong na-remit ang SSS premium payment para maayos.

Malalaki ang suweldo ng mga taga-Citibank pero ang pinakamalaking premium payment sa SSS ay nasa P1,790 kada buwan.

Ayon kay SSS assistant vice president Ma. Luisa Sebastian, may mga nakasuhan na ang SSS na malalaking multinational companies at pinagbabayad sila.

Ang hindi pagre-remit ng SSS premium payment ay isang kasong kriminal na may kasamang pagkakakulong.

Malakas ang Citibank sa bansa at ito ang nangunguna sa negosyo ng credit card.

Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang assets ng Citibank sa Pilipinas ay nasa P302 bilyon noong katapusan ng Hunyo.