Civil union isasama

Hindi lang ang mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual at Transgender (LGBT) community ang makikinabang sa panukalang batas na binubuo ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez kundi ang mga opposite sex na nagli-live-in pero walang balak na magpakasal.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa kanyang tanggapan, sinabi ni Alvarez na binubuo na nila ang panuakalang amyendahan ang Family Code para magkaroon din karapatan ang mga LGBT at maging ang opposite sex na nagli-live-in lamang.

“Actually ang concept, it’s not only same-sex marriage, pero ang tinitingnan ko ‘yung pag-amyenda­ nu’ng batas, aamyendahan ‘yung Family Code,” pahayag ni Alvarez ukol sa kanyang panukala.

“I mean, hindi siya marriage ano, parang civil union, short of marriage, which is available not only to same sex but also to opposite sex,” dagdag pa nito kaya puwedeng mag-apply ang mga nagli-live-in lamang.

Base sa Family code, tanging ang legal na mag-asawa o kasal sa simbahan o kaya sa huwes lamang ang kinikilala ng estado na magkaroon ng property relationship at iba pang karapatan.