Naglabas na rin ng kautusan ang Supreme Court (SC) na nagtatakda ng limitasyon sa mga puwede lamang dumalo sa isang civil wedding na gaganapin sa mga lugar na isinailalim sa general community quarantine (GCQ).

“Civil weddings may be solemnized, provided the parties, witnesses and guests shall not exceed five, as provided in the Guidelines on the Phased Transition from ECQ (enhanced community quarantine) to GCQ (general community quarantine), and health hygiene protocols and other public medical standards,” saad ni Chief Justice Diosdado Peralta sa Administrative Circular No. 39-2020 na inilabas noong Huwebes.

Mahigpit ding ipatutupad sa civil wedding ang pagsusuot ng face mask at face shield, no-contact thermal scanning, at social distancing.

Naka-address ang circular sa mga sibilyan, hukom, court personnel at mga abogado.

Binanggit din ito ni Associate Justice Marvic Leonen sa kanyang Twitter account.

“I suggest the parties no longer invite their exes. Better still, take more time to think about doing it,” tweet ni Leonen.

Sinabi pa ni Leonen na kailangang dumalo sa seremonya ang groom at bride. Hindi aniya puwedeng wala ang isa sa ikakasal para lang madagdagan ang kanilang bisita.

“Just to clarify, the groom and the bride need to be present. One of them cannot be absent just so there can be more guests,” pagbibiro ni Leonen. (PNA)