Sigurado na agad ang unang apat na manlalarong sina CJ Perez, Robert Bolick, Bobby Ray Parks at Abu Tratter na mapipili sa unang round habang inaasa­hang magkakaroon ng mga surpresa sa pagsasagawa ngayong Linggo nang hapon ng 2018 PBA Rookie Draft sa Robinson’s Galleria sa Manila.

Ilang oras bago ang isagawa ang pilian sa nagsisali na 48 PBA Rookie Draft hopeful sa pangunguna nina Perez, Parks, Bolick at Tratter ay halos nakakasiguro na ang apat sa kanilang magiging mother teams bago pa man isagawa ang pormal na draft proceeding na magsisimula sa ganap na alas-singko nang hapon.

Sina Perez, Parks, Bolick at Tratter ay inaasahan na masusungkit sa Top 4.

Halos sarado na ang desisyon ng Columbian Dyip at Blackwater na matagal na nagpahayag ng kanilang intensiyon na kunin sina Perez at Parks bilang una at ikalawang pick.

Maski na si Blackwater team owner Dioceldo Sy ay nananatili sa desisyon na kung sino ang piliin ng Columbian Dyip sa pagitan nina Perez at Parks ay kukunin nila ang maiiwan.

“Kung CJ Perez sila, Parks kami. Kung mag-Parks sila, CJ Perez kami. Baligtaran lang yan,” sabi ni Sy, na inihayag na nakakuha ang Ever Bilena franchise ng mga mensahe mula sa SMC at MVP Groups para sa trade.

“Pero wala naman konkreto pa. Kung meron man, papipirmahin pa rin muna namin, at titignan muna namin ang totoong kalibre kahit isang conference,” sabi ni Sy.

Ang NorthPort, na siyang pipili bilang No. 3, ay nakatutok na kay Bolick habang ang NLEX ay kinailangan na kunin ang ikaapat na pick ng Phoenix Petroleum.