Cj pasiklab sa unang taon

Record-breaker ang unang season ni CJ Perez sa PBA.

Hindi lang siya kandidato sa MVP at sa Rookie of the Year. ­Ginawa rin niya ang isang bagay na hindi nakita ng fans sa pro league sa nakalipas na 20 taon – maging scoring leader ng locals sa kanyang rookie season.

Sa tatlong conferences nitong 2019-20 season, nag-average si Perez ng 20.8 points sa 33 games. Naungusan ng top pick ng Columbian Dyip mula Lyceum sa scoring honors sina Matthew Wright (18.89 ppg) ng Phoenix at reigning five-time MVP June Mar Fajardo (18.87) ng San Miguel Beermen.

Ayon kay chief statistician Fidel Mangonon III, si Eric Menk noong 1999 ang tanging rookie na namuno sa scoring ng locals sa una niyang taon, nag-average ng 20.1 points sa 23 games para sa Tanduay.

Rookies ang pinag-uusapan, si Benjie Paras noong 1989 ang may pinakamataas na scoring average sa kanyang freshman year – 25.8 points sa 57 games. Pangalawa si Paul Alvarez (1989) sa 22.9 ppg. sa Alaska.

Pumapangatlo na sa listahan si Perez, kasunod si Jun Limpot (1993) sa 20.6 ppg para sa Sta. Lucia, panlima si Menk, bago si Danny Seigle (1999) sa 19.2 ppg para sa SMB.

Pampito sa highest-sco­ring rookie list ni Mangonon si Bobby Ray Parks (2019) na nagsumite ng 18.8 ppg para sa Blackwater at TNT. No. 2 pick ng Elite si Parks sa likod ni Perez noong 2018 draft.

Kumukumpleto sa top 10 sina Samboy Lim (1986, SMB) 18.7 ppg, Noli Locsin (1994, Ginebra) 18.5 ppg, at Romy dela Rosa (1989, Shell) 18.3 ppg. (Vladi Eduarte)