Ang magandang performance sa pagiging hukom ang isa sa naging dahilan para masungkit ni Associate Justice Diosdado Peralta ang puwestong binakante ng nagretirong si Supreme Court (SC) Chief Justice Lucas Bersamin.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kaugnay sa paghirang ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Peralta bilang punong mahistrado.
Bukod aniya sa mga hinatulang big time drug suspect, si Peralta rin ang nagpataw ng parusang kamatayan sa isang pulis na bumaril sa isang 11-anyos na batang nagpapalipad ng saranggola sa bubungan (People vs. Fallorina) at ang kauna-unahang nahatulan ng plunder na cashier ng Bureau of Internal Revenue (People vs. Manalili).
Ang mga aksiyong ito ni Peralta ang naging daan para igawad sa kanya ang Special Centennial Awards in the Field of Criminal Law ng SC at Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Samantala, sinuportahan naman ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pagkakahirang kay Peralta bilang bagong punong mahistrado dahil malalim aniya ang karanasan nito sa hudikatura.
Ayon kay Lacson, nakilala niya si Peralta noong hukom pa ito sa Quezon City kung saan hinatulan nito ang halos lahat ng mga suspek sa kidnapping-for-ransom na kanyang naaresto noong isa pa siyang alagad ng batas. (Aileen Taliping/Prince Golez)