CJ Perez ‘kinahon’ sa Dyip

Nangangarap nang gising ang mga nagpapalutang na nasa trading block si CJ Perez.

Walang balak ang Columbian Dyip na i-trade ang kanilang sophomore guard.
Si Perez na ang bagong piloto ng Dyip sa unang season pa lang niya sa PBA sapul nang hugutin bilang top pick noong 2018 Draft.

Naka-11 wins ang Columbian sa nagdaang season, halos doble ng 6 nila noong 2017.

Kinapos lang ang Dyip sa tatlong conference, napagsarhan sa playoffs.
“Ngayon lang nakakuha ng asset ang Columbian. Iti-trade ba ang giya ng team?” giit ng isang insider.

Katunayan, excited na si coach Johnedel Cardel sa papasok na season dahil may bago nang katambal si Perez.

Sa ikalawang sunod na season, na­ngibabaw ulit ang Columbian sa lottery at ginamit nila ang top pick noong December para mabingwit si Roosevelt Adams.
High flyer at shooter din si Adams, puwede sa wings.

Dagdag ng source, mas malamang na pagsabayin ni Cardel ang dalawa sa guards. Uno si Perez, dos si Adams.

Hindi maikakailang marami ang naghahabol kay Perez, nakita na ang all-around game niya.

Hindi nga malayong masama pa siya sa Mythical Five ng nagdaang season.
Dalawang beses siyang naging contender sa Best Player of the Conference race noong Commissioner’s at Governors Cup.

Hindi lang siya umalagwa dahil hindi nakalagpas sa eliminations ang Dyip.
Magiging 1-2 punch ng Columbian sina Perez at Adams sa papasok na season, kaya imposibleng bitawan ng Dyip ang dating NCAA MVP mula Lyceum. (Vladi Eduarte)