WALEY!
Tinuldukan ng De La Salle University Lady Spikers ang 10-game winning streak ng Ateneo de Manila University Lady Eagles sa UAAP Season 81 women’s volleyball.
Winalis ng Lady Spikers sa tatlong sets ang Lady Eagles 25-17, 25-13, 25-23 Sabado ng hapon sa Smart Araneta Coliseum para sungkitin ang isa pang Final Four seat bitbit ang 9-3 na baraha.
“Hindi ko inexpect na ganito kabilis matatapos ‘yung game, well favor naman sa akin, nakakatuwa. Naglaro ng maayos ‘yung mga bata today kaya nga siguro mas gusto nilang manalo,” sabi ni Lady Spikers coach Ramil de Jesus sa post-game interview.
Dinomina nang husto ng Taft-based volleybelles ang laro at madalian nitong ninakaw ang first set hanggang magtuloy-tuloy ang pag-ariba nito sa second.
Nahirang na best player ng laban si CJ Saga na nagtala ng 21 excellent digs at 14 excellent receptions katuwang si Jolina dela Cruz na may 14 puntos, sa likod ng 11 attacks.
Sa second set, mas lalong pinamalas ng La Salle ang kanilang championship experience nang malimitahan lamang nila sa 13 puntos ang Ateneo, sa likod tatlong attacks at 10 libreng puntos.
Nagbanta pang bumalik ang Ateneo sa third set nang iposte nito ang 6-0 run at ibaba sa isa ang lamang ng La Salle, 21-22 bago pituhan ng overreaching violation ang Ateneo at ibalik ang kalamangan sa La Salle, 21-23.
Agad naman sinagot ng Ateneo ito sa likod ng off the block hit, 22-23 bago ang drop ball ni Lourdes Clemente nagdala sa La Salle sa match-point at tuluyan ng tinapos ng running hit ni Aduke Ogunsanya ang laro, 25-23. (Fergus Josue, Jr.)