Tama lang ang desisyon ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na huwag magbitiw sa pinakamataas na puwesto sa sangay ng Hudikatura.

Makabubuting laba­nan ni CJ Sereno ang impeachment case na iniharap sa kanya upang dito magsisilbing tuldok sa nakakaugaliang ‘pag nagpapalit ng administrasyon at hindi kakampi ang chief justice ay patatalsikin.

Kung mapagta­tagumpayan kasi ni CJ Sereno ang kinakaharap na impeachment case ay magsisilbi itong balakid na sa mga hinaharap ng Punong Mahistrado.

Batay mismo sa pahayag ng kampo ni CJ Sereno ay walang basehan ang mga kasong iniharap sa kanya ni Atty. Larry Gadon na hinihinalang ginagamit ng isang nakulong na personalidad upang makaganti sa Punong Mahistrado.

Hindi ako abogado kung kaya’t mahirap sabihin kung anong klaseng bigat ng mga ebidensiya ang kakaharapin ni CJ Sereno.

Pero sa usapin ng prinsipyo ay makakabuting lumaban hanggang sa matapos ang paglilitis sa Senado na aaktong impeachment court.

Isang pagsubok din ito sa mga senador na magsisilbing hukom kung ang mga ito ba ay sasandal sa pagiging kaalyado ng administrasyon o sa mga ilalatag na ebidensiya sa paglilitis.

Mas mainam din naman na hindi kasundo ni CJ Sereno ang mga kapwa mahistrado ng Supreme Court upang mas magkaroon ng mahigpit na debate at pagsala sa mga inihahaing resolusyon sa isang kaso na pabor man o kontra sa administrasyon.

Samantala, lumitaw din sa nasabing kinakaharap na impeachment ni CJ Sereno na mayroong inggit at selosan sa mismong mga mahistrado na nabigong masungkit ang pinakamataas na posisyon sa Hudikatura.

Makakabuting ipairal pa rin sa Korte Suprema na ang pinaka-senior ang dapat na nahihirang na chief justice upang maalis ang demoralisasyon na madalas mangyari rin sa PNP at AFP.

Kapag ang pinakabata ang nahirang sa pinakamataas na posisyon sa isang departamento o organisasyon ay parang isang insulto ito sa mga senior at nabalewala ang kanilang mga pagpupursige sa serbisyo sa mahabang panahon.

Bagama’t ang laging sandigan dito ay ang prerogatibo ng Pangulo sa nais niyang hirangin at pinagkakatiwalaan pero mas mainam pa rin na sundin ang sistema sa seniority.