Clark airport target buksan ngayon

Sinabi kahapon ng mataas na opisyal ng Clark International Airport Corp. (CIAC) bibigyan nila ng prayoridad na asikasuhin ang mga naantalang pasahero sa inisyal na pagbubukas paliparan sa araw na ito.

Sa isang panayam kahapon nang umaga, sinabi ni CIAC President Jaime Melon na unang asikasuhin ng mga airline company ang mga pasaherong na-delay ang pag-alis patungong ibang bansa matapos bumigay at malaglag ang kisame ng bubungan sa check-in counter ng airport dahil sa malakas na lindol noong Lunes nang hapon.

Posible umanong magbukas ang airport para sa operasyon ngayong araw o bukas Huwebes, matapos ang ginawang assessment ng mga opisyal ng Civil Aviation Authoirity of the Philippines sa tower, apron, runways at taxiways ng airport.

Wala naman umanong nasira sa road surface ng airport at maaari nang buksan para sa operasyon.

Samantala, nagpahayag naman ng kahandaan ang Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport na mayroon silang sapat na tauhan para maserbisyuhan ang mga pasahero ng mga flight na inilipat dito dahil sa pagsasara ng Clark International Airport,

Sinabi ni BI Port Operations Chief Grifton Medina, pinalawig niya ang isang indefinite period ng pagbabawal magbakasyon ng kanilang mga tauhan na nakatalga sa NAIA lalo na sa mga nasa counter. (Rudy Abular/Mina Aquino)