Ligtas ang miyembro ng Gilas Pilipinas na si Fil-American Jordan Clarkson matapos na maging negatibo sa mga sintomas ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ito ay matapos na magpostibo ang kanyang dalawang kakampi na sina NBA All-Star Rudy Gobert at Donovan Mitchell sa nakakahawa at nakamamatay na sakit.

Agad na ipinaalam ni Clarkson ang kanyang kalagayan matapos na mabahala ang mga tagasuporta nito dahil sa nangyari sa koponan ng Utah Jazz.

“Thank you for all the love and prayers sent my way! I have been tested and I am good, wild 24 hours glad I am healthy! Keeping my teammates @spidadmitchell & rudygobert27 in my heart as they get better going through this process! Love,” sabi ni Clarkson sa kanyang post.

Una nang nagpahayag si Clarkson ng pag-aalala kontra sa COVID-19 na nakapasok sa locker room ng Jazz.

Si Clarkson ay naglaro para sa Gilas Pilipinas sa nakalipas na 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

Matatandaan na inilipat si Clarkson mula sa Cleveland Cavaliers tungo sa Utah kapalit ni Dante Exum at dalawang second-round pick.

Una na itong naglaro sa Los Angeles Lakers. (Lito Oredo)