Clarkson tinapon ng Cavs sa Jazz

Ilang minuto bago pumutok ang balita na ite-trade ng Cleveland si ­Jordan Clarkson, may tweet ang Cavaliers para i-promote ang laro kontra Atlanta Hawks.

Ang nakaintriga sa mga nakakita ay ang larawan ni Clarkson na kasama sa post at nilagyan ng caption na “Tune up, lock in.”

Pinagtawanan ng marami ang post. May nagtanong kung nasaan na siya, at kung maglalaro kontra Hawks.

Nag-warm up pa sa floor si Clarkson, huling tapak na pala niya sa Rocket Mortgage FieldHouse bilang Cavalier.

Sinabihan sa trade, ‘di na ­nag-uniporme si Clarkson, tinalo ng Cavs ang Hawks 121-118.

Lunes ng gabi ay ipinamigay ng Cleveland ang Fil-Am guard sa Utah kapalit ni guard Dante Exum at dalawang future second-round picks (2022, 2023) ng Jazz.

Nu’ng gabing ‘yun ay natalo din ang Jazz sa Miami 107-104.

Nasa final year ng kanyang ­kontrata sa Cavs si Clarkson, off the bench sa likod nina Collin Sexton at rookie Darius Garland.
Galing siya sa Lakers noong 2018.

Nitong Biyernes lang, umiskor si Clarkson ng season-high 33 points sa final game niya sa Cavs. Nag-average ang 27-anyos na guard ng 14.6 poitns, 2.4 rebounds at 2.4 assists sa 29 games ngayong season.

Sa kabilang banda, unti-unting nawala sa rotation ng Utah si Exum. Hinahanapan na raw ng Jazz ng ­paglilipatan ang Australian No. 5 pick ng 2014 draft. (Vladi Eduarte)