CLASSIC SUNDAY!

BATTLE OF THE BIGS --- Walang gustong bumigay kina June Mar Fajardo (kanan) ng San Miguel Beer at Japeth Aguilar­ ng Ginebra nang magsabay sa rebound. Naligtasan ng Beermen ang Gin Kings, 111-105, sa double OT. (Jhay Jalbuna)
BATTLE OF THE BIGS --- Walang gustong bumigay kina June Mar Fajardo (kanan) ng San Miguel Beer at Japeth Aguilar­ ng Ginebra nang magsabay sa rebound. Naligtasan ng Beermen ang Gin Kings, 111-105, sa double OT. (Jhay Jalbuna)
BATTLE OF THE BIGS — Walang gustong bumigay kina June Mar Fajardo (kanan) ng San Miguel Beer at Japeth Aguilar­ ng Ginebra nang magsabay sa rebound. Naligtasan ng Beermen ang Gin Kings, 111-105, sa double OT. (Jhay Jalbuna)

Sulit kahit inulan ang biyahe ng 12,423 fans sa Mall of Asia Arena kagabi, nabigyan ng treat sa klasikong pares ng laro ng PBA Governors Cup na parehong nadesisyunan pagkatapos ng tigalawang overtime periods.

Sapul noong 1992 ay ngayon lang nangyari na parehong napuwersa sa double OT ang dalawang laro ng PBA sa iisang araw, ayon kay PBA statistician Fidel Mangonon (@thepbaologist) .

Sa ikalimang subok, nangailangan ng dalawang overtime sessions ang GlobalPort bago nakatikim din ng panalo sa season-ending conference, ang 126-123 pagtakas sa Meralco sa Mall of Asia Arena kagabi.

Sa pangalawang laro na natapos pasado alas-10:00 na ng gabi, naipagpag ng San Miguel Beer ang makulit na Ginebra, 111-105.

“Wala na akong masasabi sa players ng both teams, ginawa nila lahat ng paraan para manalo. Buti na lang mga players namin in top shape,” bulalas ni Beermen coach Leo Austria.

Pinangunahan ng 26 points ni Arizona Reid ang limang Beermen na nagsumite ng double figures. May tig-17 sina June Mar Fajardo at Marcio Lassiter, may 16 si Alex Cabagnot at 14 kay Ronald Tubid. Si Arwind Santos na nakalaro na rin buhat sa injury ay may nine.

Sa first 36 minutes ay nasa trangko ang SMB, pero bumalikwas ang Gin Kings sa fourth at ibinuhol ang iskor sa 89 pagkatapos ng regulation, at muli ay sa 101 makalipas ang first OT.

Matikas na game-high 38 points ang tinagay ni Justin Brownlee, pero naubusan ang Gin Kings sa dulo.

Nagsumite si Mike Glover ng 26 points at 16 rebounds, pero si Anthony Semerad ang naniguro sa unang panalo ng Batang Pier.

Nang pumasok ang tira ni Semerad sa kaliwa ay naiguhit niya ang career-best 24 points sa 9 for 13 field goal shooting. Iyon na rin ang nagsilbing final count, hindi na nakaiskor ang Bolts sa final 14 seconds.

Tumapos si Allen Durham ng career-high 55 points, 14 rebounds at six assists sa Meralco.

Ayaw din bumigay ng Meralco sa regulation at sa first OT, hanggang dulo ng second extension ay kumikikig pa.

Humaginit ang 3-pointer ni Jay Washington at iginuhit ng GlobalPort ang 11th at final deadlock sa 123 bago ang pamatay na 3 ni Semerad mula sa assist ni Stanley Pringle.