Ibinalita ng abogado ni Claudine Barretto na si Atty. Ferdinand Topacio ang tungkol sa pag-usad ng kasong sinampa ng aktres laban sa asawang si Raymart Santiago.
Nag-guest si Atty. Topacio sa Abante News online show ni Jun Lalin, ang Anything Goes, at nagkaroon ng pagkakataon na maka-panayam ito tungkol sa kaso na hinahawakan niya kay Claudine.
Ayon kay Atty. Topacio, sa una umano ay nag-agawan ang dalawang kampo kung kanino mapupunta ang dalawa nilang anak pero iginalang na lang ng hukuman ang kagustuhan ng mga bata na manatili sa poder ng kanilang inang si Claudine.
Sa panayam kay Atty. Topacio, inungkat din nito ang isyu sa pagsusustento ni Raymart sa kanilang mga anak.
“Lately, hindi natutupad ni Mr. Santiago ‘yung kasunduan na magbibigay ng Php 100,000 a month for the children.”
Kaya naman muli umano siyang kinausap ni Claudine kamakailan kung ano ang dapat gawin dahil hindi nga tumupad sa usapan si Raymart. Plano aniya ni Claudine na kasuhan ulit si Raymart dahil hindi nagsusustento sa mga bata.
Dadag pa ni Atty. Topacio, “Well, we could file for economic abuse or we could file for child support, marami namang pwedeng gawin.”
Tinanong din ng Abante si Atty. Topacio kung may mga kaso na bang aktwal na nakalatag nga-yon kay Raymart, ang sabi lang niya, “Noon meron kaming TPO (Temporary Protection Order) and then ‘yung sa custody nga. Pero tapos na ngayon, nagkasundo na sila. Pero ayun nga, ang problema nga ay hindi natutupad ‘yung provision nung kanilang compromise agreement.”
Sinusubukan aniya ng kampo ni Claudine na buksan ang komunikasyon nila sa kampo ni Raymart, pero wala aniyang tugon ang panig ng aktor.
Isa pa sa tinanong din namin ay kung ano ang reaksyon ng mga bata, at ang sabi naman ni Atty. Topacio ay sinusubukan nilang i-isolate ang mga bata para hindi sila maapektuhan.
Sa ngayon ay home schooling muna ang mga anak nina Claudine at Raymart. At dahil nagdadalaga na aniya ang panganay na si Sabina, iniiwasan nila na makaapekto sa emotional stability ng mga bata ang ganitong pangyayari sa kanilang magulang.
Nagbitaw pa ng simpleng pahayag o mensahe si Atty. Topacio para kay Raymart: “Ang akin lang naman ay tumupad lang sana doon sa usapan, sapagkat ang pupuntahan naman ng pera ay hindi naman kung sinong tao kundi ‘yung kaniya rin namang mga anak kay Claudine. So kailangang-kailangan ng suporta ngayon ng mga bata lalong-lalo na sa panahong ito na walang masyadong project si Ms. Claudine Barretto.”
Samantala, hindi pa umano nila napa-file ang mga dapat ikaso dahil palalagpasin muna ang holiday season, pero balak itong isampa sa Enero 2019.