Ni: ROLDAN CASTRO
TULOY na ang pelikulang “Escape from Mamasapano”, na initial project ng Borracho Films ni Atty. Ferdie Topacio.
Ayon sa abogado, naantala lamang sila dahil sa lockdown pero tuloy naman ang pre-production sa pamamagitan ng video conferencing at emails.
Katunayan, nasa third revision na ang script ng premyadong manunulat na si Eric Ramos, na palagi namang nakikipag-ugnayan kay direk Lawrence Fajardo.
Dagdag pa ni Atty. Topacio, may komunikasyon din siya sa mga gaganap sa pelikula tulad nina Edu Manzano at Ritz Azul.
Pinadadalhan niya rin ng pagkain sa bahay si Myrtle Sarrosa upang manatili itong malusog . Preparasyon ito sa principal photography na magkakaroon na ng schedule dahil under GCQ na ang Metro Manila simula sa June 1.
“Nakuha na namin ang guidelines ng FDCP para sa mga physical distancing and other requirements ng movie production at we will strictly adhere to them to ensure na walang talent o crew na magkakasakit. Magkakaroon din tayo ng doctor na consultant to undertake health and safety measures during the shooting”, sey pa ni Atty. Topacio.
Ang isang bagong development sa Mamasapano movie ay ang special participation ng Optimum Star na si Claudine Barretto . Gaganap siya sa makahulugang role bilang si Erica Pabalinas, ang biyuda ng napaslang na si Sr. Insp. Ryan Pabalinas, pinuno ng grupong SAF na nasawi sa Mamasapano.
May cameo din ang former sexy star at ngayon ay politician na si Barbara Milano .
Nais din daw sanang makausap ni Atty. Topacio sina Bea Binene at kontrobersyal na modelong si Deniece Cornejo para sumuporta sa pelikula.