AYAW sanang i-expose ni Claudine Barretto ang isa pa niyang adopted daughter.
Noong nagpu-promote siya ng drama series niya sa TV 5, iniiwasan niya itong pag-usapan nang bago pa lang napasakanya ang huling adopted baby niya.
Pero nakikita na ito ngayon sa ilang posts niya sa Instagram kaya hindi nakaligtas sa ilang mababangis na panlalait ng bashers.
Hindi nakapagpigil si Claudine, pinatulan na niya ito.
Isang follower niya ang nagbigay ng negatibong komento sa Instavideo ng adopted baby niya na kumakain ng lugaw. Tinawag ng basher na mukhang batang lansangan at panget ang bata.
Galit na galit si Claudine na nanawagang alamin ang buong pagkatao nitong basher dahil itinago na raw ang IG account nito.
Na-check pa ni Claudine ang profile pic nitong basher at inalok pa niyang ipaayos ang mukha kay Dra. Vicki Belo dahil mas pangit daw ito di hamak sa anak niya.
Nagpasalamat na rin si Claudine sa followers niyang nagtanggol sa kanya.
Pero patuloy pa rin siya sa pananawagang alamin kung sino itong basher para hamunin niyang sabihin itong panlalait nang harapan.
Sinagot siya ng basher na wala siyang problema sa naturang aktres. Opinyon lang daw niya iyung pagkasabing panget daw talaga ang adopted daughter ni Claudine.
Lalong nanggigil si Claudine sa galit, kaya inaalam pa rin niya kung ano ang pagkatao nitong basher at kung saan matatagpuan.
Si Claudine kasi ang tipong hindi magpapatalo kaya pinatulan niya ito nang husto.
Sana, hindi na, dahil ang kawawang bata ang naaapektuhan.
Sabi ni Marian Rivera, nang minsang na-bash ang kanyang anak na si Zia, sa halip na patulan ay naawa na lang siya dahil dito nakikitang hindi masaya sa buhay ang mga ganitong klaseng basher.
Sabi ni Marian, “Marami namang artista na ginaganu’n ang anak, pero ang kaibahan lang, hindi talaga ako pumapatol.
“Hayaan na lang. Dinidi-delete ko na lang ke pabor o hindi pabor, dini-delete ko para malinis wala nang away-away.
“Wala naman akong mapapala du’n.”
Tama!
Sana, tigilan na ni Claudine ang pagpapatol sa mga ganu’ng pamba-bash. O kaya i-delete na lang ang comments para wala na siyang mabasa.
***
Sunud-sunod ang mga festival sa Leyte, at katatapos lang ng Piña Festival sa Ormoc na in-organize ni Mayor Richard Gomez.
Kahapon naman ang Sangyaw Festival 2017 na in-organize ng Tacloban Mayor Cristina Gonzales-Romualdez.
May kahigpitan sa seguridad kahapon dahil sa nag-iingat din sila sa ilang nagkakalat na may magbobomba.
Alam daw nilang fake news lang iyun, pero mabuti na rin na nag-iingat.
Kaya ang dami nilang mga kapulisan na dineploy. Pati sa San Juanico Bridge ay may mga nagbabantay pang mga sundalo, at mga nag-iikot pang bomb sniffing dogs para matiyak ang kaligtasan ng mga taong dumalo sa festival.
Nagbawas sila ng mga activities, kagaya ng fireworks display for security reasons at para maagang makauwi ang mga tao pagkatapos ng Sangyaw Parade of Lights.
“Just to be safe lang, di ba? Kawawa naman ang mga tao, pati mga turista kung may mangyari,” pakli ng alkalde ng Tacloban.
Mahigit isang linggo ang selebrasyon at proud si Mayor Kring na naging bahagi sa ilang shows doon ang anak niyang si Sofia Romualdez na isa sa Viva artists.
Proud ang Tacloban mayor sa kanyang anak na si Sofia dahil iba raw ang galing nito sa kantahan.
Wala raw siyang laban sa kanyang anak na mas magaling sa kanya.
“Wala ako diyan,” natatawa niyang sagot sa komento naming mas magaling itong kumanta sa kanya.
“Siya talaga ‘yung may talent. Iba siya talaga. Artist siya talaga. Hindi siya ‘yung tipong basta lang sumikat, hindi siya ganu’n eh.”
Nasa break sa school si Sofia kaya nasa Tacloban ito at tuwang-tuwa ang mga Taclobanon sa galing ng bagets nang nag-perform ito.
Kuwento pa ni Mayor Kring, mas gusto ng anak niyang mag-aral pa lalo sa Music. Kaya pinag-iisipan nitong mag-aral sa Berkeley sa Boston para marami siyang mapag-aralan sa musika.
“Ayaw niyang artista, eh. Gusto niya, music lang. She wants to be known for her music.
“Ayaw niya to be known ‘yung just a pretty face, pa-cute. Ayaw niya ng ganu’n. Iba ‘yung anak ko, eh,” natutuwang pahayag ng dating aktres.