Claudine salawahan

MAGPAPALIT na ang taon, ilang tulog at gising na lang pero hanggang ngayo’y pinakakain pa rin ng alikabok ng kanilang mga bashers ang magkapatid na Gretchen at Claudine Barretto.

Nagpalitan lang naman ng singtamis ng inuyat na mensahe sa isa’t isa ang mag-utol pero pinagpistahan sila agad ng mga taong hindi naniniwala sa sinseridad ng kanilang mga mensahe.

Masama ba namang sabihin ni Claduine para sa kanyang ate ang mala-pukyutang “There’s no better sister than you!”?

At ano naman ang krimen sa isinagot ni Gretchen na “And I love you so, my baby.” Meron ba? Pero meron, meron, meron para sa mga taong puro kaplastikan lang ang nakiktia sa magkapatid.

Punto ng mga ito ay puwede naman silang magsabihan ng papuri sa isa’t isa dahil palagi namang nakasiksik si Claudine sa laylayan ng palda ng kanyang ate pero bakit kailangan pa nilang ipagbanduhan ‘yun sa buong mundo?

Kasi nga raw ay gusto lang nilang saktan ang kanilang kapatid na si Marjorie na kaaway nila. Na para bang kapag nagkampihan silang dalawa ay hihinto na ang ikot ng mundo nu’ng kapatid nila.

Parang libro na naming nabasa ang pagiging salawahan ni Claudine. Nu’ng hindi sila magkasundo ng kanyang ate ay nasa poder siya ni Marjorie.

Si Marjorie ang pinakamabait na kapatid para sa kanya, si Marjorie ang mapuso, ang totoong marunong magmahal. Walang ibang mabuti nu’n para sa kanya kundi si Marjorie dahil magkaaway sila ni Gretchen.

Kanino ba nanggaling nu’n ang mga kuwento na hindi kagandahan tungkol kay Gretchen? May iba pa bang pagmumulan ‘yun kundi si Claudine? Sana’y naalala ni Claudine ang mga ganu’ng senaryo.

Madaling unawain ang kanilang mga pagbabatuhan kung hindi sila magkakapatid. Pero iisang sinapupunan lang ang kanilang pinanggalingan.
Magkakapatid silang buung-buo at hindi kala-kalahati lang.

Huwag naman sana, pero siguradong darating dahil wala ngang forever, ay magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Gretchen at Claudine.

Kaninong poder na naman siya pupunta, kay Marjorie, ito naman ang ipagmamalaki niyang the best sister sa buong mundo.

Mahirap magsalita nang tapos. Ilang ulit nang ginawa ‘yun ni Claudine at para siyang pusa na kumakain ng sarili niyang suka.

Nagkakaedad na aktres pinapainit ng batang aktor

SABI ng isang medyo nagkakaedad nang female personality ay malamig daw ang kanyang Pasko. Pero okey lang daw dahil nand’yan naman ang kanyang anak na nagbibigay sa kanya ng walang kundisyong pagmamahal.

Hindi na raw niya kailangan pa ang lalaking magbibigay ng init sa kanyang Pasko, sanay na raw siyang mag-Christmas nang nag-iisa, mula nang magkahiwalay sila ng kanyang asawa.

Pero hindi naniniwala ang aming impormante sa press release ng female personality, sabihin niya raw ‘yun sa kanyang lelang, dahil meron siyang karelasyon ngayon.

Kuwento nito, “Puwede ba? Hindi naman ipinanganak kahapon ang lahat ng mga pinagsasabihan niyang malamig ang Pasko niya, ‘no!

“Tantanan niya ang kuwento niya, dahil ang karelasyon niya ngayon, e, isang male personality na di hamak na mas bata kesa sa kanya at yummy!

“Kaya nga malungkot siya kapag wala silang taping, di ba? Gusto na niyang tumira sa set ng serye nila, kasi nga, kasama niya ang yummy guy na nagpapainit sa buhay niya!

“Stop me (tigilan ako)! Tantanan na niya ang mga drama niya, buking na sila ng mga katrabaho nila!

“Aysus, Vito Cruz, Sta. Cruz, Tirso Cruz, Rayver Cruz, Sunshine Cruz, Geneva Cruz, Donna Cruz, Rodjun Cruz at marami pang krus!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.
Ha! Ha! Ha! Ha!