Cleansing

Palakpakan ang mama­mayang Filipino sa cleansing na isinagawa nina Pangulong Rodrigo Duterte at Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa hanay ng Pambansang Pulisya na sangkot sa iligal na droga.

Pansinin n’yo, marami ang natutuwa na mara­ming pulis ang isa-isang nalalaglag dahil sa pagka­kasangkot nila sa ilegal na droga dahil noon pa man ay alam ng publiko na marami sa kanila ang sangkot sa iligal na droga.

Kung hindi sila mismo ang nagtutulak, ginagawa nilang gatasan ang mga adik na kunwari ay huhulihin para hingan ng pera at kapag hindi sila magbibigay tuloy ang kaso laban sa kanilang biktima.

Naniniwala ang mamamayang Filipino na kulang pa ang listahan ng mga pulis na pinangala­nan ni Duterte na umano’y sangkot sa iligal na droga kaya tiyak na marami pa ang hindi mapakali dahil sa mga susunod na mga araw ay tiyak na maisasama na sila sa listahan.

Nararapat lamang ang ginagawang cleansing na ito sa hanay ng PNP dahil maraming matitino ang nadadamay. Sabi­ nga ni Marikina Rep. Miro Quimbo­, …“the act of one person is always reflective of everyone”.

Pero dapat seryosohin ang pagsasampa ng kaso sa lahat ng mga pulis na ginagawang sideline ang pagbebenta ng droga para makuha ang uri ng buhay na gusto nila at ang masama, ginagamit nila ang kanilang tsapa para ilugmok sa impiyerno ang mga taong dapat nilang bantayan at pagsilbihan.

Marami nga raw pulis­ na hindi talaga nagre-­report sa kanilang trabaho at wala nang pakialam sa kanilang suweldo pero­ protektado ng opisyal na siyang kumukubra sa kanilang sahod, dahil mas malaki ang kita nila sa iligal na gawain. Dapat nang matigil ito.

***

Ang mga Filipino nitong mga nakaraang mga araw ay nagtatalu-talo na naman kung dapat bang ilibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga ­Bayani na pangarap ng kanyang pamilya.

Muling nahahati ang mamamayang Filipino sa isyung ito para naibsan ang kanilang debate dahil nagkaisa ang lahat sa pagbubunyi matapos masungkit ni Hidilyn Diaz ang silver medal sa Rio Olympic.

Tinighaw ni Diaz ang pagkauhaw ng Pilipinas ng medalye sa nakaraang dalawang dekada kaya ang mga congressman, kaliwa’t kana­n ngayon ang paghahain ng reso­lusyon para bigyan ng pagkilala at parangal si Diaz.

Makulimlim ang la­ngit dahil sa usapin sa Marcos pero pinag-isa ni Diaz ang sambayanang Filipino dahil nabaling sa kanya ang atensyon ng lahat at nakipagbunyi sa kanyang tagumpay dahil ang tagumpay niya ay tagumpay din ng buong bayang Pilipinas.

Nagsasaya rin ang mga kababaihan dahil sa kauna-unahang pagkaka­taon ay nagkaroon ng Filipino na mag-uuwi ng medalya sa Olympic. Sabi nga ni Vice President Leni Robredo, inspirasyon ng mga kababaihan si Diaz.

Patunay lang din ang panalo ni Diaz na huwag nang mag-concentrate ang Pilipinas sa swimming at basketball pagdating sa Olympics dahil wala tayong kalaban-laban sa larangang ito. May mag-aakala ba na mananalo tayo ng medalya sa weightlifting?

Mabuhay ka, Hidilyn, sana marami pang atletang tulad mo ang makakapag-uwi ng medalya. (dpa_btaguinod@yahoo.com)