Daan-daang volunteer mula sa iba’t ibang sektor ang nagsama-sama sa isinagawang cleanup drive sa mga ilog at estero sa Metro Manila kung saan tinatayang 1.2 milyong kilo ng basura ang nakuha sa nakalipas na tatlong linggo.
Ito ang inanunsyo ni Interior Secretary Eduardo Año, kasunod nang pagpaaalala sa mga lokal na opisyal na magsagawa ng weekly cleanup sa kanilang lugar bilang bahagi ng rehabilitasyon ng Manila Bay. Giit ng opisyal, mahaharap sa parusa dahil sa kapabayaan ang mga ito kung hindi susunod sa tungkulin.
Bukod kay Año, pinangunahan din ni Environment Secretary Roy Cimatu ang paglilinis sa Estero de Magdalena sa Tondo, Maynila at sinabing nakita nito ang maraming problema nang puntahan ang mga estero. Dito iginiit ng opisyal ang mahigpit na pagpapatupad sa Ecological Waste Management Act.