CLICK NA EXPERIMENT

Kinuha ng Ateneo ang unang panalo matapos patumbahin ang Perpetual Help, 27-25, 25-13, 25-16, sa Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa PhilSports Arena Lunes ng gabi.

Tumapos si Bea de Leon ng 12 puntos para sa Lady Eagles, nag-ambag si Ana Gopico ng 11 at napaypaya­n ang tsansa ng Lady Eagles sa quarterfinals­ matapos umangat sa 1-2.

“We train hard every day, I think mas nagkaroon kami ng communication sa loob ng court so I think doon na magsisimula ang pagka-jell ng team that’s why maganda ang laro namin today,” saad ni team captain Michelle Morente.

Nakabawi mula sa pangit na simula ang Ateneo at nahanap ang tamang timpla gitna na ng second set. “There are people na hindi talaga doon sa posisyon na ‘yun, bagong posisyon lang for them so siguro naninibago lang for them kasi hindi pa namin nata-try,” ­pahayag ni Morente.

“Alam niyo naman si coach Tai (Bundit) mahilig siya mag-experiment,” dagdag niya. “Ita-try niya kung ano ang magwo-work during games so titignan niya pa rin kung ano ang mas gagana or kung mas ok ba itong player na ‘to sa posisyon na ‘to.”

Si Jamie Lavitoria ang naging first setter dahil may sakit si Jia Morado. Ngunit hindi nagustuhan ni Ateneo coach Tai Bundit ang kanyang laro kaya pina­litan siya ni Deanna Wong sa second set.

Hindi pa rin nakuntento ang Thai coach kaya napi­litan na siyang ipasok si Morado kaya nagkaroon na ng direksyon ang lipad ng Lady Eagles.

Nagtala si Morado ng 25 excellent sets.

Tumapos si Lourdes Clemente ng walong puntos para sa Lady Altas na nalaglag sa 0-3 at tuluyan nang namaalam sa kumpetisyon.

Samantala, nakabangon ang San Sebastian College sa fifth set para makawala sa TIP 25-22, 13-25, 25-18, 16-25, 15-7, at kunin ang unang quarters berth sa Group A.

Kumana si Grethcel Soltones ng 28 puntos para sa SSC, tinapos ang elims sa 3-1 win-loss record.

Nahulog sa 2-2 ang Lady Engineers pero buhay pa sila para sa quarterfinals.