Clinic Hour with Dr. Rylan Flores Ang bagong normal at COVID

Sa pag-extend ng kasalukuyang lockdown nang halos tatlong linggo pa, ang karamihan ay nagiisip kung anu-ano pa ang pwedeng gawin sa kanikanilang mga tahanan. Imbes na mayamot sa pagkakainip dahil wala nang ibang maisip o magawa, subukan nating planuhin ang hinaharap natin pagkatapos ng lockdown. Ano ang kinakailangan natin malaman at ano ang mag nararapat na gawin dahil hindi natin maibabalik agad ang dati at mag nakagawian na natin?

Ang una ay sa trabaho natin. Hinihikayat ang mag kumpanya na magayos ng skedyul. Pwedeng maging flexible, bawasan ang oras sa opisina o di kaya rotation ng mga tauhan. Kung kaya ay mag work from home at sa kagandahan ng internet ang mga meeting ay gawing virtual o nakaharap na lang sa computer, nang sa ganoon ay maiiwasan lumabas at makisalamuha. Sa paligid naman panatilihin ang kalinisan. Maglagay ng mag disinfectants at maaayos na workplace. Pati mga kinakailang gawin bago pumasok, pagpasok, at pagalis sa trabaho ay bigyan ng plano o protocol. Sa paaralan naman ay ikonsidera ang homeschooling, online classes, o student paced learning. Maaaring itanong sa mga guro ang special programs o di kaya remedial na mga klase.

Ngayon sa pansariling atin, bawas bawasan natin ang paglabas, lalo na kung hindi naman talagang kailangan. Kung lalabas ay huwag na huwag kalimutan ang masks. Ang social distancing ay dapat din alalahanin. Kung hindi kaya ng dalawang metro, maski isang metro na lang ang layo sa isa’t isa. Panatiliin ang ating kalinisan sa pamamagitan ng paghugas ng kamay. Mas mainam na ang mga transaksyon ay gawin sa internet o online. At alam ko karamihan sa atin ay mahilig bumiyahe at magbakasyon, itong mga susunod na buwan ay ipagpaliban na lang muna. Higit sa lahat ay pangalagaan natin ang ating mag sarili nang sa ganon ay maiwasan humina ang resistensya at magkasakit. Kumain ng wasto at tama, uminom ng madaming tubig, iwasan ang paninigarilyo at alak, magehersisyo, at makapagpahinga ng mabuti. Kung may mga maintenance na gamot, mag stock na ng pang isa o dalawang buwan nang hindi kinakailangan bumili ng madalas. Kung may nararamdaman naman, tawagan ang inyong doktor, karamihan ay madalas sumasagot ng mga katanungan ng di kinakailangan puntahan. Kung walang kilalang doktor, ang mga ibang ospital ay nagoofer ng teleconsults at bibigyan kayo ng schedule ng tawag. Huwag kalimutan ang tamang pamamaraan ng pagubo o bahing, takpan ng tissue o panyo o di kaya sa manggas sa siko. At magdisinfect ng maigi, ang lahat ng gamit, sa bahay, sa labas, mga pinamili, ating damit. Bigyang malay ang ating sarili, ibang tao, at ating kapaligiran.

Hanggang sa susunod na Martes! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.