Clippers pumartida, walang Paul George

Clippers pumartida, walang Paul George

Nag-rally mula 10-point deficit sa bukana ng fourth quarter ang Los Angeles Clippers para ipagpag ang Golden State 109-100 Biyernes nang gabi.

Lamang pa sa 93-83 ang Warriors papasok ng final 12 minutes nang humarabas ng 21-6 run ang Clippers sa first 6-plus minutes ng quarter para kontrolin ang laro.

Inumpisahan ni Montrezl Harrell ang balikwas nang ilista ang 7 sa kanyang 11 points sa 8 of 12 shooting ng LA. Sa run na ‘yun ay pinuwersa nila ang Golden State sa 3 of 11 shooting.

Tumapos si Kawhi Leonard ng 36 points, ­nag-ambag si Lou Williams ng 21 sa Los Angeles.

Sapul noong 2011, ngayon lang tinalo ng ­Clippers ang Warriors sa dalawang sunod na laro.

Binitbit ng tig-17 points nina Glenn Robinson III at Omari Spellman ang Golden State, umayuda ng 16 si Alec Burks.

Tabla sa 37 nang magbaon si Spellman ng ­dalawang 3-pointers sa 9-2 spurt na sinandalan para umabante 53-48 sa halftime.

Hindi naglaro sa LA si Paul George na ­inabot ng strained left hamstring sa praktis noong ­Miyerkoles. (Vladi Eduarte)