PASOK SA BANGA
Napadali ang biyahe ng NorthPort sa quarterfinals ng PBA Philippine Cup, ginawang tuntungan ang 100-97 ang nakakagitlang panalo kontra Ginebra para sungkitin ang seventh spot.
Miyerkoles ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, tinapos ng Batang Pier ang eliminations sa 5-6.
Haharapin ang No. 2 Rain or Shine (8-3) sa quarters, sakto na kay coach Pido Jarencio kahit may handicap na twice-to-win ang Batang Pier.
Napuwersa sa 17 turnovers sa first half ang Gins, pero naiwan lang sa 47-45 sa break.
Naibuhol ng Ginebra sa 95 sa split free throws ni Sol Mercado papasok ng last 2 minutes. Sinundan ng layup ni Jervy Cruz at nasa unahan na ang Gins 97-95.
Pero bumawi ng tres si Robert Bolick sa kabila para dambahing muli ang lead 98-97, bago sinelyuhan ng dalawang free throws ni Stanley Pringle ang panalo.
“We did great in our last three games, ‘yun nga nakapasok outright sa quarters,” ani Jarencio. “Talo kami six in a row tapos nakabalik.”
Tumapos si Bolick ng 24 points, may 19 si Sean Anthony at 17 kay Mo Tautuaa sa NorthPort.
Nanguna ang 14 points ni Greg Slaughter sa Gins.
Sa first game ay dinurog ng Magnolia ang NLEX 102-74.
Hindi na nagalaw sa No. 3 ang Gin Kings, naikasa ang quarterfinals showdown nila ng No. 6 Hotshots (7-4). Best-of-three ang Manila Classico series, tulad din ng No. 4 TNT (7-4) at No. 5 San Miguel (7-4).
Nasunod ang game plan na limitahan sa 90 ang NLEX, nakaiwas ang Magnolia na bumagsak sa No. 7 na twice-to-win laban sa No. 2.
Sa panalo ng NorthPort, naihulma ang knockout game ng NLEX (4-7) at Alaska (4-7) para sa last quarterfinals slot bukas sa MOA Arena. (Vladi Eduarte)