Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinag-ugatan ng kanyang galit sa Commission on Audit (COA) na itinuring niyang pinapahirapan ang mga taong nasa gobyerno.
Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng mga senatorial bet ng PDP-Laban sa Zamboanga City nitong Linggo, sinabi ng Pangulo na dalawang beses siyang pinahirapan ng COA na humantong pa sa Korte Suprema pero nabasura rin ito.
“Ngayon kayo COA bakit in the previous na sinabi ko na ipakidnap ko, biro lang ‘yon. Biro lang ‘yon pero hindi ko sinabi na… SCRA, page 19, SCRA 19 page 91, Duterte vs. Sandigan. Eh pagdating sa Sandigan nag-file ako ng motion to dismiss, denied. Diretso ako sa Supreme Court. Acquitted,” anang Pangulo.
Masyado aniyang mahigpit ang COA lalo na kapag bibili ng mga gamit tulad ng computer para sa isang ahensiya o kahit sa mga local government unit gaya noong alkalde pa lamang siya.
“Bili ako ng computer, may batas noon na magkuha ka pa ng clearance sa national computer center. ‘Yan ang pahirapan eh, ‘yang mga tao sa gobyerno marami silang inisip just to make it hard for you. Tapos ‘yung nirekomenda — ni-recommend nila 24,000 na piece. Ito namang isa, 11. Sabi ko why should I follow you? You must be kidding,” anang Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na hindi dapat katakutan ang COA dahil hindi naman sila ang batas.