Excited si coach Boyet­ Fernandez sa pagbabalik sa San Beda pero may halo ring pressure dahil champion team ang kanyang hahawakan.

Kailangan kumayod nang husto mula ensayo para manatili ang korona sa Mendiola. Inihatid ni Fernandez ang Beda sa dala­wang NCAA titles noong 2013 at 2014 bago tumalon ng PBA para mag-coach sa NLEX.

“I’m happy that at least boss MVP (Manny V Pangilinan) still continued to trust me.

“Pressure lang kasi I’m again inheriting a champion team, pero ­siyempre pagtatrabahuhan natin para mag-champion ulit ang San Beda,” saad ni Fernandez.

Hahawakan din ni Fernandez ang Cignal-San Beda sa PBA D-League ngayong season.

Pinalitan ni Fernandez si coach Jamike Jarin na lumipat sa National University sa UAAP.

“Kailangan ko ring mag-establish ng relationship with the players.

Konti lang ang naiwan ‘yung huli akong nag-coach sa San Beda. Ma­laking responsibilidad ito, malaking trabaho,” ani Fernandez.

Sina Javee Mocon, guards Radge Tongco at AC Soberano at Cameroonian forward Arnaud Noah ang mga naiwan mula sa dating squad ni Fernandez na naglalaro pa sa Lions.

“Mas magiging mabilis ang transition ko kasi nasa D-League na ang San Beda so mas madaling kilalanin ang mga bata in the preparation for the NCAA,” pahabol ng coach.