Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
4:00 p.m. — Air Force vs. Power Smashers
6:30 p.m. — Creamline vs. Pocari Sweat

Bukod sa mga plays na dinidisenyo ni coach Nes Pamilar, pinalalakas din nito ang loob ng kanyang mga bataan dahilan para manalo ang Power Smashers­ sa kanilang huling laro at kalsuhan ang two-game skid.

Muling sasalang ang Power Smashers sa court, haharapin nila ang Air Force sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan.

“Kailangan talaga na palakasin ang loob nila, sabi ko sa kanila na magtiwala sa sarili nila, nawawala na kasi ‘yung kumpiyansa nila,” patungkol ni Pamilar sa kanyang players.

Matapos ang paninilat ng Power Smashers sa kanilang unang laro kontra defending champion ­Pocari Sweat ay dalawang beses silang sumadsad.

“Sana magtuloy-tuloy ‘yung panalo namin,” saad ni Pamilar.

Nagtulong sina Jovielyn Prado at Regine Arocha para buhatin ang Power Smashers sa panalo laban sa tropa ni Alyssa Valdez na Creamline.

Tutuldukan naman ng Lady Jet Spikers (1-3) ang two-game slide sa six-team, double-round robin event na inorganisa ng Sports Vison.

Magkakaldagan sa pangalawang laro ang Cool Smashers (1-2) at Lady Warriors (2-2).