Hiniling sa korte ng prosecutor sa kaso ng volleyball coach na akusado sa panggagahasa ng 11-anyos na dalagitang atleta na magpalabas ng hold departure order (HDO) at kanselahin din ang pasaporte nito.

Inihain ni Assistant City Prosecutor Lotis Rosario ang mosyon sa Marikina City Regional Trial Court Branch 168 upang hindi makatakas palabas ng bansa ang akusadong si Dennis Gregory Laping.

May warrant of arrest na laban kay Laping pero hindi pa rin ito nahuhuli ng mga awtoridad.

Kaugnay nito, inihayag ng abogado ng pamilya ng biktima na si Atty. Ariel Inton na kailangang makapaglabas agad ng HDO laban kay Laping dahil may kakayahan ito na makaalis ng bansa.

Binigyang-diin pa ni Inton na matagal nang nagtatago si Laping kaya wala na talaga itong plano na sumuko at harapin ang mga kaso laban sa kanya.

Kinasuhan si Laping ng panggagahasa sa biktima sa pagitan ng Pebrero at Abril noong 2017 pero sa kabila nito ay madulas pa rin ito sa mga alagad ng batas.