Matapos pangalanang women’s national team coach agad na sumabak sa trabaho si Francis Vicente at inilatag ang kanyang plano para sa team na lalahok sa 29th Southeast Asian Games in Kuala Lumpur, Malaysia.
Nais ni Vicente na makuha ang best available talents kaya magkakaroon ng nationwide tryouts na gaganapin sa Manila, Cebu at Davao simula sa Pebrero o sa lalong madaling panahon na ma-finalize ang kalendaryo ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc.
Pero ang isang tanong ng mga fans ay kung makakasama ba sa team si volleyball superstar Alyssa Valdez.
Agad nilinaw ni Vicente na walang magiging special treatment para sa kaninong manlalaro. Paliwanag ng beteranong coach na lahat ay kailangan dumaan sa proseso maging ang kanyang anak-anakan na si Valdez.
Matatandaang si Vicente ang siyang nakakita sa potensyal ng batang Valdez na noon ay nasa San Juan, Batangas at sumugal daw siya sa talent ng ngayo’y pinakasikat na volleyball player ng bansa.
“Nobody is assured of a slot in the national team,” diin ni Vicente.
“Even if you’re my former player like Alyssa Valdez, everybody has to go through the process,” dagdag niya.
Samantala, lilipad patungong Thailand si Valdez para maglaro sa 3BB Nakornnont sa Thailand Volleyball League at mananatili siya roon hanggang Abril.
Pero sa kabila ng kanyang pangingibang bansa ay nagpahayag si Valdez ng pagnanais na makalaro sa national team.
“I hope to get back in time for the SEA Games tournament,” saad ni Valdez.
Hindi na bago kay Valdez ang international tournaments dahil nakapaglaro na siya sa nakaraang edisyon ng SEA Games sa Singapore kasama ng iba pang Pinay volleyball stars na sina Dindin at Jaja Santiago, Jovelyn Gonzaga, Rachel Anne Daquis, Jia Morado, Rhea Dimaculangan, Bea de Leon, Aby Marano, Grethcel Soltones, Maika Ortiz at Denden Lazaro.