Coco, Angel, Kim pinasalamatan ng ABS-CBN

NI: ROLDAN CASTRO

Ipinaabot ng pamunuan ng ABS-CBN 2 ang pasasalamat sa lahat ng mga artistang nakipaglaban sa shutdown ng network. Ito’y sa pangunguna nina Coco Martin, Angel Loscin, Kim Chiu at marami pang iba.

Ayon sa statement ng Dos.

“Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa lahat ng mga artistang nagpahayag ng kanilang pagmamahal at pagmamalasakit sa kumpanya habang ito ay dumadaan sa isang matinding pagsubok.

Buong puso at tapang ninyong ibinahagi at ipinadama ang inyong mga saloobin kahit alam ninyong hindi lahat ay maaaring sumang-ayon sa inyo. Dama namin ang inyong pagmamahal hindi lang para sa ating tahanan at mga kasamahan sa industriya, ngunit para rin sa ating mga kababayang ating pinaglilingkuran.

Nirerespeto namin ang opinyon ng iba’t ibang tao, kahit na sumasalungat sa aming pananaw o ng aming mga artista, ngunit hindi kailangang gumamit ng masasakit na salita, mag-insulto, o magkalat ng kasinungalingan. Sana ay respeto at pag-unawa sa kapwa ang pairalin natin lalo na sa panahon ngayon.

Muli, maraming salamat sa aming Kapamilya artists. Malalampasan natin ang mga hamong ito bilang isang pamilya. Kapamilya Forever.”