Mainit na sinalubong ng mga pulis ang aktor na si Coco Martin nang dumating ang grupo nito sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame kahapon.
Dinumog ng mga tagahangang babae at lalaking pulis ang bida ng kontrobersiyal na teleseryeng “Ang Probinsyano” kung saan ay nakipag-selfie pa ang mga ito sa aktor.
Nagtungo si Coco sa Camp Crame kahapon kasama ang ilang opisyal ng ABS-CBN para makipagdayalogo sa ilang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at PNP.
Pero closed-door ang paghaharap ng magkabilang panig at wala rin sa kanilang pagpupulong si PNP Director General Oscar Albayalde na napag-alaman na kasalukuyang nasa United Arab Emirates para sa International Criminal Police Organization General Assembly.
Naging kapansin-pansin na magiliw ang mga pulis na sumalubong sa pagdating nina Coco kabaligtaran sa mga naging pahayag ni Albayalde at maging ni DILG Secretary Eduardo Año na nagngingitngit sa masamang paglalarawan umano sa mga pulis ng teleseryeng “Ang Probinsyano.”
Humantong pa ito sa paglalabas ng memorandum ng PNP na binabawi ang mga tulong sa production team ng “Ang Probinsyano” at nagbanta pang magsasampa ng kaso.
Matapos ang closed-door meeting ay nagpasalamat si Coco sa publiko na patuloy aniya ang suporta sa kanilang teleserye at umaasa umano siya na magiging maayos din ang lahat.
Inihayag pa nito na nakatakda pa rin siyang makipag-usap kay Albayalde sa Lunes.