Coco isasalba lugi ng ABS-CBN

Excited ang mga televiewer ng ABS-CBN 2 dahil babalik na ang tatlong serye sa ere. Ito’y ang “FPJ’s Ang Probinsyano, “Love Thy Woman” at “A Soldier’s Heart.”

Pero hindi ito mapapanood sa free tv kundi sa Kapamilya Channel sa SKY, Cablelink, G Sat, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable Television Association (PCTA) sa buong bansa.

Bagama’t sa June 13 ay hindi makakapanood ang lahat ng Kapamilya Channel, unti-unting hahanapan ng paraan ng ABS-CBN na maihatid ang mga programa sa higit pang nakararaming nagmamahal at nasasabik sa mga paborito nilang palabas .

Maraming katanungan ang mga netizen sa pagbabalik ng mga show . Bakit daw hindi isinama ang “Make It With You” ng LizQuen at ang ‘Pamilya Ko’ nina Sylvia Sanchez at JM de Guzman?

“Ang mga magbabalik lang ay ‘yung may mga pondo na episodes. So, ‘ yung iba may mga natitira pa sila na puwede pa iere. Sayang naman ang nagastos ng company kung hindi ipagpapatuloy,” paliwanag ng aming source.

Ang serye ng LizQuen ay walang bangko na episode.Talagang naubos ito bago magsara ang ABS-CBN 2 kaya etsapuwera.

Posibleng ganoon din ang situwasyon sa ‘Pamilya Ko.”

So, ang FPJ’s ang Probinsyano, “Love Thy Woman” at “A Soldier’s Heart” ay pambenta ngayon sa Kapamilya channel. Dito masusubukan kung click ito sa mga manonood kahit nasa cable na.Ka-level na ito ngayon ng Cinema One, HBO, PBO.

Sasagarin talaga ang pambansang serye ni Coco para mahatak ang mga netizen na tumutok sa Kapamilya channel.

Ilang season kaya ang aabutin ng mga seryeng ito? Wala pa advice ang pamunuan ng Dos pero nakadepende ‘yan sa pagtanggap ng mga tao at ng mga advertiser dahil nasa cable na sila.

Tanong din ng bayan kung bumaba ba ang advertising rate ng mga programang ito dahil hindi sa free TV napapanood?

“ Wala po akong balita. Pero most probably,” pakli ng aming source,

Paano itutuloy ang taping ng ‘Ang Probinsyano’ ?

Naka-lockdown daw ang cast sa hotel o isang bahay ng five weeks . Walang alisan, walang alalay pero may service.Bawal din ang bisita sa set para may control sa tao. 12 hours lang daw sila magtatrabaho.

Susunod din sila sa guidelines ng Inter-Guild Alliance (IGA) na 50 hanggang 70 katao ang puwede sa shooting.

Ang mga senior star gaya ni Susan Roces ay pinagbakasyon daw muna dahil sa banta ng COVID-19.

May rapid test din bago nag-start ang taping.

Bawal din ang puyatan sa taping. Kailangan daw may tulog na 8 hours ang cast para malakas ang resistensya.

Talbog!