Coco kabogera ang paandar sa parada

Coco kakaiba ang paandar sa parada

Bago pa ang taunang MMFF Parada ng mga kalahok na pelikula, pumutok ang balitang hindi makakasama ang nag-iisang Coco Martin sa nasabing payanig.

Ang rason? May sakit daw ito. Bumigay ang katawang lupa dahil siya nga naman ang director, producer, editor at bidang lalaki sa tiyak na maghaharing uri sa takilyang pelikula, ang “3pol Trobol: Huli Ka Balbon!”

May mga haka-haka rin na may natanguan na rin itong pangako na hindi na niya puwedeng mabawi pa kaya sobrang imposible na mapasaya nito ang mga magbibilad sa araw at tatanghod sa mga karosang dadaan sa parading pangmalakasan.

Siyempre pa, bago pa magdabog ang collective bangs at magka-mass hysteria, wala na yatang puwede pang kumabog sa ginawang paandar mula sa pelikula ni direk Rodel Nacancieno.

Pinarampa nila, in her most beautiful glory, ang maalindog at nakakarahuyong si Paloma, ang babaing katauhan ni Martin sa filmfest entry na kasama niya si Jennylyn Mercado bilang leading lady at si Ms. Ai Ai delas Alas bilang minamahal na nanay.

I can just imagine kung paano maaliw at magbubunyi ang mga panatiko at sumusuporta kay Coco na masilayan siya bilang sa Paloma.Sakay siyasa karosa na blonde ang buhok, babaing-babae ang itsura, fuschia and yellow orange ang super heroine costume na suot.

Juice colored! Pwede na sigurong nerbiyusin ang tulad nina Paolo Ballesteros, Martin del Rosario, Christian Bables at Vice Ganda, mga artista sa kasulakuyang nag-aanyong babae sa kanilang mga proyekto sa pelikula at telebisyon .Hindi magpapakabog at magpapalupig si Coco bilang si Paloma.

Sa ginawa mong ito Coco Martin, ay naku, tiyak siksik, liglig at umaapaw ang kikitain niyo sa MMFF. Mabuhay ka! Mahusay ka!

Ai Ai umalma sa pambabastos kay Hesus sa Netflix

Kung kailan nga naman malapit na ang Kapaskuhan na pinagdiriwang ang kapanganakan ni Hesus, nakakabaliw isipin na sa isang movie streaming company, may isang palabas na tunay namang kalapastangan at pambabastos sa ating Panginoon.

Sa Netflix, kasalukuyang pinapalabas ang “The First Temptation,” isang parody, kung saan ipinapakita sa nasabing exaggerated comedy special na closeted gay si Hesus at may tinatangi itong kaibigang lalaki.

Mula sa grupong Porta de Fundo ang nasabing palabas. Mga Brazilians ito at nakakapagtaka ang kanilang kapangahasan dahil predominantly Catholic rin ang third world Latin American country

Ang tanging ina nating lahat, si Ms. Ai Ai delas Alas, nakikiisa sa panawagan na ipahinto ang pagtatanghal na ito. Si Delas Alas, na isang Papal Awardee at Marian devotee, ang pahayag sa kanyang Facebook page: “Patawarin mo po sila LORD 🙏🏼.. sign the petition to stop showing this sa NETFLIX—😡😡😡sino man ang gumawa nito masusunog kayo sa impyerno.. #sacrilage #blasphemy”

Meron rin siyang pahayag sa IG na ipatigil ang pagpapalabas nito. Ang nakakalungkot, ipinapalabas na ito.

Hay naku! Sa pagkakataong ito, dapat talagang basagin ang trip ng grupong Porta de Funda dahil wala sila sa hulog at katwiran. Ang drama nilang “freedom of artistic expression” ay hindi absolute. Dapat marunong din kayong rumespeto sa paniniwala at pananalampataya ng mga ibang tao.

Samahan natin si Ms. Ai Ai delas na kalampagin ang Netflix na sa pinakamadaling panahon, mawawala na ang bastos na palabas sa pag-ere nito.

Vice ka-cheapan ang putahe

Sa “ASAP Natin ‘To,” nagsabayang awit sina Vice Ganda at Regine Velasquez-Alcasid. Fast songs mula sa 90’s female group na Spice Girls ang kanilang pinagsaluhan.

O, di ba? Bagong luma na naman ang promo blitz ni Jose Marie para sa kanyang pelikula!

Ang nakakaloka pa sa dueto nila ni Ate Reg, nagkakamali sa tono si Ganda habang kumakanta eh hindi naman kahirapan ang Spice Girls songs. Dinadaanan na lang niya sa baklaan attitude para ilusot ang kanyang pagiging sintunado.

Of course, he is not perfect kahit pa nga ang projection niya sa number nila ni Chona eh mas maganda siya rito at mas sexy.

Sa nakapangingilabot na pag kanta niyang ito, ang Little Ponnies niya at madlang pipol na bulag, pipi at bingi sa mga inilalako niya, magigising na kaya ang kanilang mga katinuan?

Juice colored! Panahon na po para idilat ang mga mata, buksan ang mga tenga at magsalita na “tama na, sobra na, itigil na” ang ka-cheapang palagiang putahe ni Vice Ganda.

Pero kung hindi pa rin kayo nagsasawa sa mga bagong luma antics niya, karapatan niyo namang magpakasawa sa amoy alimuom at masarapan sa walang sustansya, huh!