Coco kinuyog ng mga bading

Magkasunod ang post ni Coco Martin sa kanyang Instagram account na @mr.cocomartin.

Hinihinilang may kinalaman ito sa isyung nanganak umano si Julia Montes. May nagsasabi rin na baka tungkol ito sa tsismis sa kanila ni Yassi Pressman na may sweet moment sa Japan.

Mahaba ang unang post niya na ang tumatak ay ang litanya niyang
“Ang hindi ko pagkibo at hindi pagpatol sa mga bagay na hindi kauunlad ng ating bayan ay hindi kabaklaan at kaduwagan may kanya kanya tayong buhay at tayo ang may dedesisyon kung pano natin patatakbuhin ito at sa aking palagay wala akong nagawang masama sayo kung sino kaman hindi ko kailangan ang mga masasakit na opinion mo!”

Pangalawa ay ang post niyang quotation: “If you don’t know the whole story, shut up. Do you feel the same way?”

Mukhang emosyunal at naapektuhan na ang Kapamilya Primetime King sa isyung ibinabato sa kanya tungkol sa anak umano nila ni Julia.

Pumalag naman ang mga miyembro ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer) community sa ginamit niyang salita na kabaklaan at kaduwagan.

Nagpupuyos ang kanilang damdamin sa maling salita na ginamit ni Coco tungkol sa kabaklaan.

Sey ng mga netizen hindi salot ang mga bading sa lipunan. Malaki ang naiambag ng mga gay sa pag-unlad ng bansa lalo na sa larangang nagpayaman kay Coco.

Feeling nila ay victim sila ng discrimination sa salitang “kabaklaan” na pinakawalan ng aktor.

Biglang naging hate tuloy si Coco ng mga nasaktang bading. Kinukuyog nila ito at sinasabing humingi ng paumanhin sa mga na-disappoint sa statement niya. Huwag daw kakalimutan ni Coco na marami ring bakla ang marunong tumayo sa kanilang desisyon, kayang lumaban nang harapan kesa sa mga tunay na lalaki.

May nagtanggol din sa aktor na wala siyang hangad na saktan ang damdamin ng mga bading.

Sa showbiz ay marami siyang kaibigan at nirerespetong miyembro ng third sex. Marami ring bakla ang nakatulong sa kanya kung anong estado ang kinalalagyan niya ngayon.