
Ang inyong diva that you love, nangilid ang luha matapos mapanood ang black and white video clips na ipinapalabas sa social media mula sa mga kasapi sa Art Forces of the Philippines.
Sa mga nasabing bidyo, mapapanood ang mga iba’t ibang klase ng mga artista mula sa showbiz, direktor, tanghalan, sining biswal, mang-aawit, fashion, at iba pa.
Napanood ko na ang not one, but three videos ni Audie Gemora na in Filipino, English and Ilonggo. Ang kay Direk Joel Lamangan, nasilayan ko na. Pati ang kay Noel Cabangon, at ang kina Agot Isidro, Bencab, Bituin Escalante, Jim Paredes, Mich Dulce, Quark Henares, Jaime Fabregas, at tiyak, if these videos become like wildfire in social media, marami pang mga artista, maaaring pati na rin mga cultural icons and workers, ang magpapahayag tungkol sa kanilang mga damdamin at saloobin.
Gaano nga kaya kalakas ang impluwensya at puwersa mula sektor ng mga sining at kultura, pati na rin sa show business? Magagawa nga kayang mahimok ang mga descamisados, pati na rin ang mga bulag, bingi at pipi sa katotohanan? Sasang-ayon nga kaya ang mas nakakarami sa kanilang ipinapanukala na para sa tunay na pagbabago, sa darating na halalan, eh pulos mga taga-oposisyon ang iboto ng mga botante?
Maigting na mga damdamin. Mapangahas na suhestiyon. Matapang na mga paglalahad, iyan ang ginagawa sa kasalukuyan ng kasapi sa Art Forces of the Philippines.
Sa mga susunod na oras at araw pa kaya, sino pang pangmalakasang mga artista ang sasapi sa grupo at isasambulat ang kanilang galit, hinaing at poot?
‘Pag ang People’s National Artist at ang nag-iisang superstar na si Nora Aunor kaya ang magpanawagan, panalo kaya sa pulso at puso ng mga nagmamahal at palagiang nanalig sa kanya? Eh ang dating Sister Stella L, ang Star for All Seasons Vilma Santos, siya ay kikilos, makikibaka at hindi matatakot lalo na nga’t ang mga ito ay laban ng sangrekwang mga ka-Dencio?
Sa kasalukuyan, si Atom Araullo na bida sa pinakamatapang na pelikulang Citizen Jake, will he do a Jake Herrera and betray his class and voice out his grammatically correct and politically polarizing views? Eh paano kung si Kuya Cardo Dalisay ang magsalita, si Coco Martin na ang magsabing sobra na, tama na, iwasto ang dapat iwasto, handa ba ang lahat kung saka-sakali sa pangmalakasang paglalahad ng nag-iisang Rodel Naciancieno?
If all these videos gain ground and massive viewings, ano nga kaya ang mangyayari? Ang mga nakaupo kaya sa puwesto, ikikibit balikat lamang ang galawang ito, o isang araw, maririnig na lang natin ang poon na inaaglahi at pinagmumura ang mga artistang hindi na takot at lumaban para sa Pilipinas nating mahal?