Sinupalpal ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang aktor na si Coco Martin matapos ang nag-viral na pagwawala nito sa social media kung saan ibinunton lahat ng sisi kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasara ng ABS-CBN.

Sinabi ni Panelo sa kanyang television program na kung nag-iisip ng maayos ang mga umaalma, ang batas ang nagpasara sa ABS-CBN at hindi si Pangulong Duterte.

Pinagsabihan ni Panelo ang aktor na intindihin muna ang puno’t dulo ng isyu bago ito magwala para hindi mapahiya.

“Iho mali ang iyong mga pahayag sapagkat walang kinalaman ang Presidente. Ang batas ang nagpasarado sa ABS-CBN. Kailangan pantay-pantay. We have to apply the law at all times, sa lahat ng panahon. Hindi puwedeng mamimili ng panahon sa pagpapatupad ng batas,” ani Panelo.

Nakakatawa aniyang sinakyan din ng mga kritko ang ABS-CBN shutdown at pilit na ikinakabit ang isyu ng press freedom.

“The law shutdown ABS-CBN. That is the long and short of it. Walang ibang nagpasarado kung hindi ang batas. `Yan ang hindi natin mabuburang katotohanan, and no amount of nationalizing and finger-pointing as well as emotional outburst placing the blame on any individual or entity,” dagdag ni Panelo.

Binigyang-diin ng kalihim na ang pagsarado ng ABS-CBN ay nag-ugat sa nag-expire na prangkisa nito, kaya wala sa tono ang pagwawala ni Coco Martin.

“Since walang prangkisa, by operation of law `ex propio vigore’, ibig sabihin with full force and effect, `yung prangkisa ng ABS-CBN ay nag-expire kaya huminto. Ang batas ang nagpahinto rito, hindi si Presidente Duterte, hindi ang NTC [National Telecommunications Commission] at hindi rin ang Kongreso,” dagdag pa ni Panelo.

Binanatan pa ni Panelo ang aniyaý mga oportunistang gutom sa publisidad dahil sinakyan ang isyu at ginamit na butas para sisihin ang Pangulo.

“For their own selfish political agenda, the usual nasty and bitchy opportunists grabbed at what appears to be a juicy controversy and took turns in putting the blame on the President,” wika ni Panelo.