Coco niyari sa yaman

NI: RONA RONDA

Trending ngayon sa Tiktok ang video ng user na si Kheerjumawan. Tungkol ito sa yaman ni Coco Martin nu’ng hindi pa nagsasara ang ABS-CBN 2 at ngayong pumuputak siya na walang trabaho.

Sa nasabing video, nakapaloob ang dating interview ni Boy Abunda kay Coco. Tinanong siya ng host kung gaano na siya kayaman ngayon.

Aniya, “Malayong-malayo sa dati kong ano … buhay eh. Siguro ang galing kong mag-ipon, eh.”

Nang tanungin din siya kung komportable siya sa kanyang buhay, ang sagot niya, “Sobra eh.”

Tinanong din siya ni Kuya Boy kung ayos na ba siya kahit mawalan ng trabaho bukas o sa hinaharap.

Aniya ng buong ngiti, “Pwede.”

Inamin din ng aktor na mayroon na siya ng lahat ng gusto niya

Sumunod na eksena sa video ay nu’ng magsara ang Dos. Emosyonal si Coco sa “Laban Kapamilya’ online protest .

Sigaw niya: “ Wala akong trabaho,eh. Ano’ng ipapakain ko sa pamilya ko? Kapag ang pamilya ko ang kinanti handa akong makipagpatayan kahit sino ka pa. Lalaban ako ng patayan sa ‘yo. Kahit patayin mo pa ako.”

Dahil dito,maraming nag-react dahil bakit ngumangawa ang aktor ? Parang wala umanong katotohanan na magugutom ang pamilya niya.Kaya naman umano nitong mabuhay sa laki ng kinita niya.

Matapos mag-trending ang sinabi ni Coco ay kumalat pa sa Facebook ang mga mamahaling sasakyang pagmamay-ari niya.

Samantala, maraming netizen ang namangha sa uploader sa husay nitong magkalkal sa dating interview na iniuugnay sa kasalukuyang situwasyon.

Sa huli ay ipinasok pa niya sa edited video si Pangulong Duterte na nagmumura sa galit na nagsasabing ‘wag siyang lokohin.