Coco, Nora nakiramay sa burol ni Eddie

Ni Roldan Castro

Isa si Coco Martin sa unang dumalaw sa burol ni Eddie Garcia sa Heritage Memorial Park kahapon, June 21.

Hapon pa lang ay namataan na ang Kapamilya Primetime King. Nandoon din sa burol si Bibeth Orteza.

3PM pa lang ay pinapasok na ang mga taga-Kapuso dahil GMA nights ang unang gabi ng burol.

Ayon sa source, dumating din si Nora Aunor ng 10 AM. Namataan din sa burol sina Jestoni Alarcon, Alden Richards, Ricky Davao, Tirso Cruz III, Yassi Pressman at Bianca Manalo.

Nagpasalamat naman ang long-time partner ni Eddie Garcia na si Lilibeth Romero sa mga nag-offer ng dasal sa aktor. Sila raw ang nagbigay ng lakas sa pamilya.

“For 12 days I did not leave him; maybe he did not really want to go because he wanted another take!” sambit ni Lilibeth sa kanyang panayam kay Mario Dumaual sa ABS-CBN 2.

Samantala, narito ang pahayag ng ABS-CBN sa pagpanaw ni Eddie Garcia.
“Ang ABS-CBN ay nakikiisa sa buong bayang nagluluksa sa pagpanaw ng isang alamat na si Eddie Garcia.

“Ang ating Tito Eddie, na may tunay na pangalang Eduardo Verchez Garcia, ay kilala bilang isa sa mga pinaka-premyadong aktor at direktor sa Philippine television and cinema.

“Isa naming karangalan na si Tito Eddie ay naging bahagi ng aming pamilya. Siya ay hinangaan sa kanyang katangi-tanging pagganap sa mga TV show tulad ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano,’ ‘Wansapanataym,’ ‘Nathaniel,’ ‘Give Love on Christmas: The Gift Giver,’ ‘Sana Bukas Pa Ang Kahapon,’ ‘Honesto,’ ‘Juan dela Cruz,’ at ‘Maalaala Mo Kaya.’

“Nagmarka rin ang kanyang pagganap sa mga pelikula ng ABS-CBN katulad ng ‘Bwakaw,’ ‘Ang Panday,’ ‘Praybeyt Benjamin,’ at iba pa. Si Tito Eddie lang ang tanging indibidwal na hinirang sa tatlong kategorya ng Hall of Fame sa FAMAS: Best Actor, Best Supporting Actor, at Best Director.

“Sa mahigit pitong dekada at 600 pelikula, ipinakita ni Tito Eddie ang ibayong husay at propesyonalismo sa trabaho. Sana’y mabigyan namin ng sapat na pagpupugay ang kanyang talento at pagiging mabuting tao.”