NI: VINIA VIVAR

Sinagot muli ni Coco Martin ang sinabi ni Presidential Spokersperson Harry Roque na huwag ikumpara ang ABS-CBN sa POGO (Philippine Offshore Gaming Operations).

Binatikos kasi ni Coco sa Facebook live event ng ABS-CBN na “Laban Kapamilya” held last Friday ang move ng gobyerno na i-resume na ang operations ng POGOs samantalang ang network ay ipinasara.

“Buti pa ’yung POGO, pinaglalaban niyo. Itong kompanyang tumutulong sa lahat ng mga tao ngayon, pinasara niyo,” pahayag ni Coco.

Kinabukasan ay sinagot ni Sec. Roque ang sinabing ito ni Coco at aniya ay hindi dapat pagkumparahin ang POGO at ABS-CBN.

“Parang hindi tama iyong comparison between ABS-CBN at ng mga POGO. Dahil unlike iyong mga broadcast companies, wala pong probisyon sa saligang batas kung sinon’g pwedeng magbigay ng authority para mag-operate ang POGO,” pahayag ni Sec. Roque.

Sinagot naman ito ni Coco sa kanyang Instagram account.

“Sabi po ni Presidential Spokesperson Harry Roque naniniwala raw po siya na nananaig pa rin ang demokrasya sa ating bansa at malayo raw na ikumpara ang POGO sa pagpapasarado ng ABS-CBN.

“Paano po hindi maikukumpara ang POGO sa pagpapasara ng ABS-CBN? Ang pagpapapasok niyo ng POGO dito sa ating bansa ay ang pagbibigay ng trabaho sa madaming dayuhang Chinese. Ang pagpapasarado po ng ABS-CBN ay pagtatanggal ng trabaho sa maraming manggagawang Pilipino.

“Tama naman ho kayo, magkaiba nga.. kasi ang dayuhang Chinese nabibigyan ng trabaho, samantalang kami pong kapwa niyo Pilipino tinanggalan niyo ng hanapbuhay.

“Matanong ko lang po bakit minamadali natin ibalik ang POGO samantalang ang pagsusugal ngayon sa kalye ay pinagbabawal?” ang pahayag ni Coco.

As usual, ang post na ito ng aktor ay umani na naman ng mixed reactions at mainit na diskusyon mula sa kanyang mga follower. May umayon at mayroong hindi. May mga kumampi sa kanya at mayroon ding hindi.