Coco, tutularan si FPJ bilang aktor, direktor at producer!

coco-martin-ang-probinsyano

NAINTERBYU namin si Direk Carlo J. Caparas sa Showbiz Talk Ganern sa DZRH nu’ng Linggo ng gabi.

Napag-usapan namin ang tungkol sa pelikulang Panday na si Coco ang bida at magdidirek.

Ayon kay Direk Carlo J. Caparas, ang Viva Films ang nag-ayos ng pag-uusap nila ni Coco.

Saad ni Direk Carlo, “Prior to the announcement, nagkausap kami ni Boss Vic (del Rosario) ng Viva. Sinabi niya na lumapit sa kanya si Coco na gusto raw niya gawin ang Panday after Probinsyano dahil siya ang parang heir apparent ngayon ni FPJ, ‘no?

“Sabi niya, being the Teleserye King, bagay nga naman sa pelikula ng Movie King. Nagkataon namang binansagan akong Komiks King.

“Kaya sabi nga, ang pagsasama-sama ng tatlong hari, ‘no? Siguro, ‘yan ang nasa isip ng Viva.”

Hindi niya alam kung co-production ito ng Viva at Star Cinema Films, pero nakikita niya sa aktor na gusto rin nitong mag-produce.

“Si Coco ay nag-aspire yata na maging producer, actor, director like FPJ. Hindi masama, dahil nami-miss na ng local industry ang isa pang FPJ, na producer, director, actor.

“‘Yun kasi ang tipong makapag-produce ng quality movie ‘yung nasa genre ni FPJ, nasa kalibre ni Ron (palayaw ni FPJ),” saad nito.

Natutuwa si Direk Carlo dahil nakikita niyang pursigido si Coco na gawin ang Panday. Parang si Coco rin ang isa sa producers.

“Ang pinakaimportante sa akin na nakita ko kay Coco na determined siyang sundan ang yapak ni FPJ, at bihira sa artista na makita ko na marami siyang pinanggalingan na nag-transform sa isang tipo ni FPJ.

“Bihira sa isang artista na makagawa nu’n na tatatanggapin ng mga tao.

“After Probinsyano, nakita ko na tanggap na tanggap ng mga tao si Coco.

“Sa nakita kong pagdadala ng tao kay Coco… hanggang dito sa Cebu, sa Visayas, nakikita ko na sabi nila sa akin, ‘Direk ‘pag ginawa mo ‘yung ano uli, ganito, ganito, si Coco ang ano.’

“Nakikita ko ang reaksyon ng mga tao, Coco, Coco.

“So, nu’ng pinanood ko ‘yung Probinsyano, nakikita ko ‘yung hard work na ginawa ni Coco, at parang kumbaga sa baril, siya ‘yung 50 caliber sa ngayon,”

Nu’ng nag-usap sila ng Kapamilya actor, natuwa siya sa magagandang ideya nito na gagamitin sa Panday.

“Mahusay ang idea ni Coco. Nakikita ko ‘yung gusto niyang i-inject. Malaking tulong to refresh ang Panday na istorya,” pakli nito.

“Dati naman kami ni Ronnie (FPJ), nu’ng ginagawa niya ang Panday na siya ang actor, direktor, producer, pirming nag-uusap kami sa pag-explore ng bagong karakter, paglalagay ng bagong idea.

“Kasi, alam mo naman, lumilipas ang panahon. Baka ‘yung ibang karakter, kailangan nang i-dispose na o may…

“Tumatakbo ang panahon. Kailangan may bagong ideya, bagong eksena, modern times kaya kailangan moderno rin ang treatment ng mga karakter.

“Open ako sa lahat na iyun dahil ako ‘yung taong hindi nagsasara sa pagbabago. Kaya hanggang ngayon, nandito tayo, dahil gusto ko si­yempre, pirming sariwa ang mga ideya,” dagdag niyang pahayag.

***

Naging seryoso ang tinig ng boses ni Direk Carlo nang nakumusta namin ang kalagayan niya pagkatapos ng ilang buwang pagluluksa sa pagpanaw ng asawa niyang si Tita Donna Villa.

Aminado si Direk Carlo na nahihirapan pa rin siya sa pag-move on at tanggapin ang katotohanang biyudo na siya.

Hindi pa niya alam kung kailan magsisimula ang Panday ni Coco dahil sa ngayon ay nagpapahinga pa siya.

“Nasa pamamahinga pa ako, eh. Kaya hindi pa ako makaano. Nawiwili pa akong magala sa mga lugar na pinuntahan namin nu’ng nawala kong angel.

“Kaya naglilibot ako hanggang ngayon sa mga lugar na gusto naming dalawa. Matagal ko na siyang hindi nakakasama, eh,” malungkot na pahayag ni Direk Carlo.

Nasa Negros daw siya nu’ng oras na iyun, at pinupuntahan nila ang mga lugar na gustung-gusto ni Tita Donna.

“Most of the time kasi, gusto ko mag-drive mag-isa eh, dahil pag nag-iisa ako, alam kong hindi niya ako pinababayaan,” sabi pa niya.

Nandiyan ang mga anak niya, at ilan pang mga taong nagmamahal sa kanya, pero lalo siyang nangungulila kay Tita Donna.

“Mahirap kasi palitan eh, dahil non-transferable ang emotion,” pakli nito.

Kapag kausap niya ang movie press na alam niyang close sa asawa niya, lalo siyang nalulungkot. Hindi niya alam kung paano niya ito malalagpasan.

“Hindi nga makaya, eh. Akala ko, matibay akong tao.

“Alam n’yo namang ang portrayal ko, talagang matibay sa buhay. Pirming lumalaban sa buhay.

“Although I’m a strong survivor, hindi naman ako basta natatalo.

“Kaya lang, iba itong dinaanan ko. Sa dami ng battles na pinagdaanan namin ni Donna, ito ‘yung pinakamalaking giyera na hindi namin naipanalo.

“Dito kami natalo,” gumagaralgal na ang boses na pahayag ni Direk Carlo.