Pinatitiyak ng isang mambabatas ang pagkakaroon ng tuloy-tuloy o 24/7 na suplay ng tubig ngayong mayroong State of Public Health Emergency dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nangangamba kasi si Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera sa muling nararanasang kakulangan ng tubig na maaaring malagay sa panganib ang mga Pilipino kasunod ng dineklarang Code Red ng DOH dahil sa COVID-19.
Aniya, paanong magagawa ng mga Pinoy ang maayos na paghuhugas ng kamay gaya ng pinapayo sa publiko ng Department of Health (DOH) kung wala namang sapat na suplay ng tubig.
Para naman kay Barangay Health Workers party-list Rep. Angelica Natasha Co, ang patuloy na pag-atake ng COVID-19 ay paalala na rin sa Kongreso na dapat bigyan na ng prayoridad ang mga panukalang batas para sa mga barangay health worker.
“Mahalaga ang papel ng barangay health workers upang paalalahanan ang sambayanan kung paano maiiwasan ang anumang nakakahawang sakit,” ani Co.
Kasabay na rin ng panawagan nito laban sa mga nagpapakalat ng takot tungkol sa COVID-19.
“Hindi makatutulong sa bayan ang pagpapakalat ng takot tungkol sa COVID-19 kung wala namang tamang basehan ng panganib. Magtiwala po tayo sa mga eksperto ng Department of Health,” dagdag ni Co. (Eralyn Prado)