Isang 20-anyos na babaeng estudyante ang natagpuang patay sa loob ng isang hotel sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni PCI Ilustre Mendoza ng Caloocan City Investigation Unit, alas-5:30 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng dalagang si Lexlyn Joy Bautista, 20, residente ng CayPombo, Sta Maria, Bulacan.

Natagpuan ito sa loob ng room 304 ng Hotel Sogo sa Monumento Circle at nadiskubre ng isa sa mga attendant ng hotel na si Quimar Margas.

Agad ipinagbigay alam ang insidente sa mga awtoridad kung saan napag-alaman na bago matuklasan ang bangkay ng biktina ay tinatawagan umano ito ng telephone operator ng hotel para ipaalala na malapit na ang checkout time nito ngunit walang sumasagot.

Doon na nagtungo si Margas kasama ang kanyang bisor sa silid ng biktima at kinatok ito ng paulit-ulit. Nang mabuksan ang silid, natagpuan ang biktima sa sahig, wala ng malay at bumubula ang bibig.

Isinugod pa ito sa Manila Central University (MCU) Hospital, subalit idineklarang dead-on-arrival.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente.