Ni: Gel Manalo
Kahit maikling panahon pa lamang na nauupo bilang hepe ng Taguig City Police, may mahaba nang karanasan sa serbisyo si Col. Celso Rodriguez.
Dati nang nadestino sa Taguig City si Col. Rodriguez pero naalis ito at muli lamang bumalik noong Disyemre 2019.
Sa eksklusibong panayam ng ‘Walang Atrasan’ host na sina Armi Rico at Wil Postolero nabatid na tubong-Isabela at nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) noong 1997 si Col. Rodriguez at una siyang na-assign bilang deputy chief of police sa Kidapawan City sa North Cotabato.
Kabilang sa mahahalagang tagumpay ni Col. Rodriguez ay noong 1998 nang mahuli ang kumander ng bandidong grupo na konektado sa iba’t ibang mga kaso tulad ng arson, robbery extortion, multiple murder at homicide. Dahil dito, nag-boluntaryo siyang sumama sa Special Action Force (SAF) noong 1999.
Mula noon nakasama na siya sa iba’t ibang police operation at nadestino sa iba’t ibang lalawign tulad ng Bulacan, Pampanga at Bataan.
Kampanya vs droga
Kahit tatlong buwan pa lamang bilang hepe ng Taguig City Police, nakapagsagawa na si Col. Rodriguez ng mga operasyon kontra iligal na droga sa loob lamang ng 74 araw.
Sa 50 buy-bust na kinasa, umabot umano sa higit 483 ang mga naaresto at nasabat ang higit P7 milyong shabu at higit P1 milyon naman ng marijuana at nasa P600,000 halaga ng ecstasy.
Inamin ni Col. Rodriguez na tulad ng ibang lungsod sa Metro Manila, malaki ang volume ng droga na pumapasok sa Taguig.
“Ngayon ay tinitingnan namin at tinututukan itong Barangay New Lower Bicutan at Napindan. Dito kasi may nahuhuli tayong mga tulak at mga gumagamit, nandito sila nagtatago. Some of them ay galing sa province ng Rizal at Pasig,” ani Col. Rodriguez.
Disiplina dapat magsimula sa pulis
Isa sa mga unang niyang ginawa ay pagdisiplina sa mga pulis dahil naniniwala ito na sa kanila nagsisimula ang kaayusan.
“Kasi kapag bumagsak ang disiplina ng pulis, tumatanggap sila at nasasangkot sa mga iligal na aktibidades,” ani Col. Rodriguez.
Dagdag nito, tinanggal na ang mga pulis na sangkot sa mga iligal na aktibidad tulad ng droga.
Kabilang din sa kanilang mga tinututukan ang kaayusan at katahimikan ng komunidad. Kaya nakapokus ang mga pulis sa kampanya kontra krimen.
Sabi niya, “Isa sa programa natin ay sugpuin ang droga, itong illegal possession of firearms, ‘yong loose firearms natin at itong sugal dahil ito pong tatlo magkakaugnay po ito. Kapag natalo sa sugal, magnanakaw gagamitin ang baril niya…and then ibibili ng droga, paikot-ikot po ‘yan.”
Impormasyon kontra terorismo
Pinaliwanag ni Col. Rodriguez na iba ang kanilang paraan para labanan ang anumang posibleng banta ng mga terorista. Hindi umano tulad sa ibang lugar, nagsasagawa sila ng mga pagbisita sa mga paaralan upang makapagbigay ng impormasyon hinggil sa terorismo.
“Subalit hindi po tayo kumukuha ng data na sa tingin po natin ay nilalabag po ang karapatan ng estudyante,” sabi ni Col. Rodriguez.
Sa pamamagitan umano ng Taguig police community relations, ipinaparating nila sa mga mamamayan ang tulong at impormasyon hinggil sa mga hakbang ng pamahalaan laban sa mga karahasan.
Paliwanag niya, “Kasi minsan tinitingnan nila ang gobyerno bilang kalaban. May mga programa para sa kabutihan nila, so far nagiging positive naman ‘yong response ng mga estudyante partikular ang mga kapatid nating Muslim.”
“Tulad po ng sinabi ng ating regional director General Debold Sinas, walang bagay na mas makabubuti kundi ang dialogue lagi…nakikipag-ugnayan siya lagi hindi lang sa mga kapatid nating Muslim kundi sa lahat ng sektor ng ating lipunan,” sabi pa ni Col. Rodriguez.
Tapat na paglilingkod
Nang matanong hinggil sa 16 na police trainee na hindi nakasama sa graduation dahil nahuling naglasing sa kanilang dorm, binahagi ni Col. Rodriguez ang kanyang payo hinggil sa mga nagbabalak na pumasok sa PNP.
“Dapat marunong sumunod…kung ipinakita na nila ang katigasan ng ulo at nilalabag na nila ang policy ng PNP na sila ay nagte-training pa lamang, eh hindi nga sila karapat-dapat na magpulis,” sabi ng opisyal.
Dagdag niya, sa training nahuhulma ang isang pulis kaya sakaling mapatunayan umano sa paglabag, ang sinomang trainee ay maaaring mapatawan ng habambuhay na disqualification sa PNP. Ibig sabihin ay hindi na puwedeng mag-apply sa kahit anong unit ng pulisya.
Payo niya rin sa mga pulis, “Maglingkod tayo ng tapat at may tapang.”
Sa huling bahagi ng panayam, pinagmalaki rin ni Col. Rodriguez na kadikit na ng kanyang pangalan (Celso) ang mga katangian ng isang alagad ng batas na tapat sa tungkulin at may puso sa pagsisilbi sa bayan: C para sa commitment sa serbisyo, E sa equality for all, L para sa law enforcement, S sa service to God, at O sa order in community. Astig
Koneksyon sa kabataan
Hindi lang tungkol sa usapin ng terorismo ang pinaabot ng Taguig Police, nabatid pa na sa kanilang pagpunta sa mga eskuwelahan at komunidad, nakikipag-ugnayan rin sila sa mga estudyante at kabataan hinggil sa iba pang uri ng karahasan.
Katulad na lamang sa isyu ng bullying, drug abuse resistance education, at paano makagbibigay at hihingi ng tulong sa kapwa.
Nakikipag-ugnayan din sila sa iba pang sektor ng lipunan para makapagbigay ng counseling at lecture sa ilang kabataang nasagip sa paglabag sa curfew.
Talagang all around ‘ika nga ang ginagawang hakbang ng kapulisan sa Taguig City upang komonekta sa kabataan.